November 2, 2024

BONGBONG MARCOS, SARA DUTERTE, TAMBALANG ITINAKDA NG TADHANA

Ganap nang presidente ng bansa si Bongbong Marcos at bise naman si Sara Duterte. Silang dalawa ang pinili ng mayorya sa mamuno sa ating inang bayan. Bihira ang ganitong senaryo dahil kapwa nanalo ang magkakampi sa eleksyon.

Nagbunyi ang 31 milyong humalal sa kanila. Patunay ng lakas ng pagkakaisa at nagagawa nito. Tanggap naman ng minorya na hindi bumuto sa kanila ang resulta ng canvassing.

Ngayong nangyari na ang nakatakda, nakararamdam si Juan Dela Cruz ng pag-asa. Pag-asa at positibong pananaw para sa bayan at sa kinabukasan. Masigla ang damdamin ng mayorya sa makasaysayang pangyayaring ito.

Pati ang mga lider ng ibang bansa ay nagpaabot na rin ng pagbati. Kinikilala nila ang bagong halal na mga lider. Ngayon pa lang ay nagpaabot na sila ng imbitasyong state visit. Patunay na excited na rin silang makipag-ungayan kay BBM.

Marami ang umaasa na mangyayari uli nangyari noong nanungkulan pa si Apo Macoy. Na maranasan muli ng sambayanang Pilipino ang kasaganahan. Gayundin ang mas maunlad pang pamumuhay.

Tatlumpu’t anim na taon tayong naghintay sa isang bagong kabanatang ito ng kasaysayan. Bigyan natin ng pagkakataon na maipakita nina BBM at Sara ang kanilang makakaya. Para sa bayan at sa taumbayan.