
HINIMOK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pinoy na iboto ang kanyang mga pambato sa pagka-senador, kung saan sinabi nito wala sa kanila ang sangkot sa mga patayan noong kasagsagan ng war on drugs, korpasyon noong pandemic at sumuporta sa China sa West Philippine Sea.
“Tignan niyo po ang record ng ating mga kandidato. Wala sa kanila ang may bahid ng dugo dahil sa tokhang. Wala sa kanila ang kasabwat sa pag bulsa ng sako-sakong pera pinagsamantalahan ang krisis ng pandemya, pinabayaan ang ating mga kababayan na magkasakit at mamatay,” sambit ni Marcos matapos pangunahan ang proclamation rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
“Wala sa kanila ang mga pumapalakpak sa Tsina at natutuwa pa kapag tayo ay binobomba ng tubig, tinatamaan ang ating mga Coast Guard, hinaharang ang ating mga mangingisda, ninanakaw ang kanilang mga huli at bukod pa roon ay inaagaw ang mga isla natin para maging bahagi ng kanilang bansa,” dagdag niya.
Dumalo sa nasabing proclamation rally ay sina Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., dating Interior Secretary Benhur Abalos, outgoing Makati City Mayor Abby Binay, Senator Pia Cayetano, Senator Lito Lapid, Senator Imee Marcos, mga dating senador na sina Panfilo “Ping” Lacson at Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senator Francis Tolentino, dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo, at House Deputy Speaker Camille Villar.
Sa proclamation rally, nasambit din ni Marcos ang isang bulaang propeta na nang-aabuso sa kababaihan at kabataan.
“Wala po sa kanila ang tilang sakristan ng isang bulaang propeta na nasasadlak dahil sa pagyurak sa ating kabataan at sa ating kababaihan. Wala sa kanila ang taga-taguyod ng pugad ng krimen, ng sentro ng paglalapastangan ng mga kababaihan na mga POGO,” aniya.
Tinanong din ni Marcos ang kanyang mga kapwa Ilocano kung gugustuhin pa nilang bumalik sa nakaraan kung saan ang mga lider ay pinapayagan ang Pilipinas na maging “province of China.”
Tayo ngayon ay nasa sangandaan ng ating paglalakbay bilang isang malayang bansa. Bilang isang sambayanang may dangal, may sipag, at may talino. Tayo ba ay papayag na babalik sa panahong kung kailan gusto ng ating mga liderato na maging probinsya tayo ng Tsina?” saad ng Pangulo.
Babalik ba tayo sa nakaraan na ibinubugaw ang ating bayan bilang isang sugalan ng mga dayuhan? Nais ba nating bumalik sa landas na umaapaw sa dugo ng mga inosenteng mga bata na inagaw sa kanilang mga ina, kinuha sa kanilang mga tahanan, at inagaw ang kanilang kinabukasan?” pagpapatuloy niya.
Tinapos ni Marcos ang kanyang talumpati sa pamamagitan ng paghimok sa mga Pinoy na bumuto nang diretso para sa mga kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
“Walang nagnanais na Pilipino na mabalik tayo sa ganyang klaseng pagpatakbo. Kaya naman, makakatiyak po kayo na kapag ang ating mga kandidato ay naluklok sa Senado at sila ay nagsimula ng kanilang trabaho, asahan po ninyo na sila po ay hindi makikihalo, hindi makikilahok sa ganyang bagay na ating iniwanan na at na ayaw na ayaw balikan,” saad niya. Hindi naman inaasahan ang pagdating ni Imee sa proclamation rally dahil kung maaalala tumanggi itong maging bahagi ng senatorial slate ng kanyang kapatid.
More Stories
INILABAS NA TRAVEL ADVISORY NG CHINA VS ‘PINAS WALANG BASEHAN – PCG
ACIDRE KAY ROQUE: IMBES UMAPELA SA QATAR, TULUNGAN MGA NAARESTONG OFW
KRIS AQUINO INIINDA SAKIT NA LUPUS FLARE