May 29, 2025

BONG REVILLA BIKTIMA NGA BA NG FAKE NEWS?

Matapos mabigong makabalik sa Senado, piniling buksan ni dating Senador Bong Revilla ang isa na namang yugto ng kanyang buhay—ang paghahain ng kaso laban sa mga umano’y nagpakalat ng “fake news” na umano’y nakaapekto sa kanyang kampanya.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Raymond Fortun, ang pagkatalo ng senador ay bunga ng “disinformation” sa social media, partikular na ang mga post na nagsasabing inutusan siyang isauli ang P124.5 milyon kaugnay ng kontrobersyal na PDAF scam. Isa sa mga post ay nagsasaad pa ng matinding pahayag: “Yung nagnanakaw talaga sa bayan, dapat kinakailangan hatulan ng kamatayan para matigil na ‘yan.” Para sa kampo ni Revilla, ito raw ay walang katotohanan at sadyang paninira.

Ngunit bago tayo madala ng kanyang “biktima” narrative, kailangang balikan ang mga katotohanan: si Revilla ay inaquitan sa kasong plunder noong 2018, ngunit hindi ito nangangahulugang walang pananagutan. Ayon sa hatol ng Sandiganbayan, bagama’t hindi napatunayan na siya mismo ang nakinabang sa nakaw na pera, pinasoli pa rin siya ng P124.5 milyon — isang malinaw na indikasyon na may pananagutang sibil, kahit pa walang criminal conviction.

Ang pagkakalat ba ng impormasyong ito ay pawang “fake news”? O ito ba ay hindi komprehensibong pagkaunawa ng taumbayan sa komplikadong hatol ng korte? Marahil ay pareho. Ngunit ang tanong: Sino ang may kasalanan sa kalituhang ito?

Hindi maikakailang may bahagi si Revilla sa pagbagsak ng tiwala ng publiko sa kanyang pangalan. Matapos ang mga taon ng paglilitis, habang inaasahan ng ilan na magpapakumbaba siya o magpapakita ng kahandaang magsilbi nang tapat, tila mas pinili niyang magpakitang-gilas at magbida sa pelikula at TV, imbes na harapin ang isyu nang buong linaw at pananagutan.

At ngayon, matapos siyang tanggihan ng sambayanan sa halalan—isang malinaw na paghuhusga ng bayan—ang unang hakbang na ginawa niya ay magbanta ng demanda. Hindi introspeksyon. Hindi pagkilala sa sentimyento ng tao. Kundi paghahabol sa sinumang tumuligsa sa kanya.

Ang ganitong pagkilos ay hindi senyales ng lider na handang tumanggap ng pagkatalo. Isa itong senyales ng isang politiko na mas pinapahalagahan ang kanyang imahe kaysa sa tunay na pagsisilbi. Sa halip na tumahimik at pag-isipan kung bakit siya itinakwil ng botante, piniling sumugod sa korte.

Ang leksyon dito: Hindi lahat ng pagkatalo ay bunga ng paninira. Minsan, ito ay bunga ng alaala ng taumbayan — isang alaala na hindi basta-basta nabubura ng kahit anong pa-pogi o pagpapanggap.

Sa dulo, dapat itanong ni Revilla hindi kung sino ang nanira sa kanya, kundi bakit mas piniling paniwalaan ng tao ang “fake news” kaysa sa kanya.