MANILA, PHILIPPINES
Maraming ginulat na sektor si Sen. Bong Go matapos na biglang maghain ng kandidatura sa pagka-presidente sa Comelec head office sa Intramuros, Maynila, dalawang araw bago ang deadline ng substitution.
Ginawa ni Go ang hakbang matapos na bawiin ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa vice presidential race.
Nangyari ito, ilang oras din nakaraang pormal na ring maghain ng kanyang COC ang presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio upang palitan ang kandidato ng Lakas-CMD na si Lyle Uy bago mag-alas-2:00 ng hapon.
Tanging mga abogado lamang ng alkalde ang nagtungo sa Comelec.
Naging hudyat din ito upang tuluyang umatras na rin sa presidential race si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Si Go ay sinamahan pa ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Comelec upang ihain ang kanyang kaukulang mga dokumento at sa pagkakataong ito sa ilalim na ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS) na ang namumuno naman ay ang senatorial bet na si Greco Belgica.
Sa panayam kay Sec. Alfonso Cusi, ang presidente ng PDP-Laban, sinabi nito na suportado nila si Go bilang administration candidate kahit hindi na sa ilalim ng partido.
Liban nito ang PDP naman daw at PDDS ay magkaalyansa. Naniniguro rin daw si Go sa partido na kakatawanin dahil sa may nakabinbin pang kaso sa Comelec upang resolbahin ang dalawang paksiyon.
Sa kabilang dako, pinalutang naman ni PCOO Sec. Martin Andanar ang isyu na posible rin daw na maghain ng kandidatura ang Pangulong Duterte sa Lunes para tumakbo rin sa pagka-bise presidente, bagay na ayaw pang kumpirmahin ni Go at antayin na lamang daw ang susunod na desisyon ng chief executive.
Samantala, kapansin-pansin naman ang pagtungo ng maraming mga supporters ni Go sa harap ng Comelec headquarters dala ang mga placards at tarpaulin.
Ilang pagkakataon na hindi na rin nasusunod ang COVID restrictions lalo na sa social distancing maging sa ginanap na biglaang press interviews.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA