January 4, 2025

BONG GO: BIKOY DAPAT MAGPATINGIN SA MENTAL HOSPITAL!

Muling ipinakita ni senatorial candidate Christopher “Bong” Go ang kanyang likod noong Lunes upang patunayan na wala siyang tattoo at pinabulaanan ang mga alegasyon na siya ay may koneksyon sa mga sindikato ng droga.

Hinubad ng senatorial aspirant ang kanyang damit sa isang event ng Luntian Party-list sa Calamba City, Laguna, at sinabing ito na ang huling pagkakataon na gagawin niya iyon.

Ito’y matapos lumitaw si Peter Joemel Advincula noong Lunes at nag-claim na siya ang naka-hood na si “Bikoy” sa mga kontrobersyal na video na pinamagatang “Ang Totoong Narcolist.”

Inakusahan sa video ang  anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, dating Bise Alkalde ng Davao City na si Paolo Duterte, ang kanyang manugang na si Atty. Manases Carpio, at Go na may-ari ng mga bank account kung saan napunta ang sinasabing pera mula sa droga.


Aton kay Go, na longtime aide ni Pangulong Duterte, na dapat magpatingin mula sa mental hospital si Advincula kaysa humingi ng legal na tulong sa Integrated Bar of the Philippines.

“Alam niyo po, nagkamali si Bikoy ng kanyang pinuntahan. Hindi siya dapat pumunta sa IBP. Huwag kayong mag-alala. Proteksyunan naman kayo ng gobyerno. Pero dapat muna siya, sa tingin ko, dapat magpa-admit muna sya sa mental hospital. Dapat mauna muna siyang pumunta doon,” aniya.

Sinabi ni Go na ang mga alegasyong nag-uugnay sa kanya at sa pamilya Duterte sa ilegal na droga ay “black propaganda” dahil ilang araw na lamang bago ang midterm polls sa Mayo 13. “Anyway, kung naniniwala po kayo kay Bikoy, alam niyo panahon ito ng politika eh. Kukulayan kami. Nadadamay lang ang pamilyang Duterte. Naidamay nila dahil sa mga akusasyon kay Pangulong Duterte. Marumi,” aniya.

“Kinukulayan kami ng itim para sila ay pumuti. Black propaganda. Malicious. Panahon ng election. Kanya-kanyang siraan,” dagdag niya.