November 18, 2024

BOC NANGAKONG PROPROTEKTAHAN ANG ‘BALIKBAYAN’ BOXES

NAKIPAGKAPIT-BISIG ang Bureau of Customs sa Office of the President sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary at Presidential Anti-Organized Crime Commision upang tiyaking ligtas ang balikbayan boxes ng ating mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs).

Nakipagpulong si acting Deputy Commissioner Fermin ng Internal Administration Group, kasama ang iba pang pangunahing opisyales ng Customs, kina Executive Secretary Lucas Bersamin at Presidential Anti-Organized Crime Commission Undersecretary Gilberto Cruz nitong kamakailan lang sa Malacañang upang tugunan ang mahahalagang isyu kaugnay sa mga walang konsensiyang forwarder na nambibiktima ng mga OFWs sa abroad gamit ang balikbayan boxes.

Ipinakita ni Fermin ang kongkretong aksyon na isinagawa ng Customs upang suportahan ang mga OFWs at mapadali ang pag-release ng kanilang mahalagang balikbayan boxes. Isa sa pinakamalaking tagumpay ng naturang ahensiya ang pagpapalabas ng 36 containers ng inabandonang kargamento, na may 9,689 balikbayan boxes.

Aniya, na sa bilang na ito, 9,011 na ang naipamahagi na sa kanya-kanya mga may-ari, habang 678 boxes ang hindi pa nakukuha dahil sa kakulangan ng impormasyon.

Nakatuon ang nasabing ahensiya para resolbahin ang isyung ito at muling makasama ng mga balikbayan boxes na ito ang tunay na may-ari.

Ayon sa Customs, para labanan ang hindi kanais-nais na mga aktibidades ng mga manlolokong forwarder na sangkot sa balikbayan box scheme, nagsampa ito ng 11 criminal complaints para mapanagot ang mga salarin at matiyak ang kaligtasan ng interes ng mga OFWs.

Aktibong isinasapinal na rin ng ahensiya ang isang joint memorandum agreement sa PAOCC, Department of Foreign Affairs, Department of Trade and Industry, Department of Migrant Workers, mga forwarders at iba pang stakeholders upang i-streamline ang mga proseso, palakasin ang koordinasyon at pagtibayin ang pagsisikap sa pangangalaga sa kapakanan ng mga OFW at kanilang balikbayan boxes.

Sinabi rin ng Customs na palalakasin nila ang information campaign gamit ang iba’t ibang social media platforms para sa OFW community.

Makikipag-collaborate din ang bureu sa DMW upang isama ang comprehensive information kagunay sa importasyon ng balikbayan box sa training program ng ahensiya para sa mga OFW. Layon ng inisyatiba na magkaroon ng kaalaman ang mga OFW patungkol sa kanilang karapatan, responsibilidad at mga paraan para protektahan ang kanilang balixbayan boxes na kanilang ipapadala.