December 29, 2024

BOC-CLARK NADAKIP CLAIMANT NG P324-K ‘SHABU’ SA MASANTOL, PAMPANGA

NADAKIP ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang claimant ng kargamento na may lamang 47 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P324,000 sa Masantol, Pampanga.

Nadiskubre ng mga tauhan ng BOC ang illegal na droga sa isinagawang routine examination sa kargamento mula California, USA na idineklarang naglalaman ng photographs.

Sumailalim ang kargamento sa K9 sniffing, x-ray scanning at physical examination procedures at natagpuan ang tatlong envelop na naglalaman ng shabu.

Dinala at itinurn-over ang mga sample sa PDEA para sa chemical laboratory analysis, kung saan nakumpirma na ito ay shabu, isang dangerous drug sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Agad ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Port of Clark at PDEA ng controlled delivery operation sa address ng consignee sa Masantol Pampanga at naaresto ang claimant.

Pinuri ng hepe ng BOC Port of Clark na si District Collector John Simon ang partnership at epektibong koordinasyon sa pagitan ng BOC at DPEA sa pagsawata ng drug traffickers.

Dagdag pa ni District Collector Simon na patuloy na pinalalakas ng Port of Clark ang mga kakayahan nito sa pagpigil sa kontrabando.
 

“The recent seizures and arrests of claimants by the BOC are results of our intensified anti-smuggling campaign,” ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio. “We remain committed in achieving the directive of President Ferdinand Marcos Jr. to curb all forms of smuggling in the country,” dagdag pa nito.