Nagprotesta kaninang umaga, Hulyo 30, sa harap ng Camp Aguinaldo sa Quezon City ang mga pambansa-demokratikong grupo para tutulan ang ginanap na 2+2 ministerial meeting sa pagitan ng US at Pilipinas.
Binatikos nila ang presensya ng kalihim ng Department of State ng US na si Antony Blinken at kalihim ng Department of Defense nito na si Lloyd Austin, na tinawag nilang parehong mga “kriminal sa digma.” Kausap ng dalawang opisyal sina Gilbert Teodoro ng DND at Enrique Manalo ng DFA.
“Ang mga kriminal sa digma na ito, na responsable sa panunulsol ng proxy na mga sagupaan sa mundo, at tagatulak ng henosidyo sa Palestine, ay nasa Maynila para palawakin ang interbensyong militar at panunulsol ng gera sa bansa at sa rehiyon,” pahayag ng Bayan. “Pinatatampok ng ipinapanukala nilang (kasunduan) sa pagbabahaginan ng impormasyong paniktik, at planong pagbili (ng mga kagamitang militar) ang pagiging sunud-sunuran ng Pilipinas, habang patuloy na itinutulak ng gubyerno ni Marcos Jr ang imperyalistang heyopulitikal na ahente ng US.”
Ayon sa Bayan, ang sinasabi ng US na “tulong” sa Pilipinas ay sa aktwal para rin sa interes nito. Gagamitin ang “ayuda” para makapagtayo ito ng dagdag na mga pasilidad sa loob ng bansa at para makapagbenta ng sobrang mga produktong armas sa AFP.
Binatikos din ng mga raliyista si Ferdinand Marcos Jr para sa panlilimos at pangangayupapa nito sa US. “Pinahintulutan niya ang pagpasok at panghihimasok ng mga dayuhang tropa…, dinagdagan niya ang mga EDCA site na nagpapahina sa ating soberanya at pumipinsala sa kabuhayan ng mamamayan, at inuulit-ulit niya ang mapandigmang retorika ng US laban sa China na lalong nagpapataas sa tensyon at instabilidad sa rehiyon,” ayon sa Bayan.
“Ibinubunyag ng administrasyon ni Marcos Jr ang sarili nito bilang papet ng US sa pagpapapasok nito sa mga manunulsol ng gera na sina Austin at Blinken sa bansa,” ayon naman sa Kilusang Mayo Uno.
“Huwag natin hayaan ang malayang panghihimasok ng mga US war criminals sa ating bansa!” panawagan ng League of Filipino Students. “Hangga’t nananatiling huwad ang independent foreign policy ng ating bansa, lagi’t laging magiging talo ang ating bayan sa mga kasunduan na ipinapasok ng administrasyon.”
Noong Linggo, Hulyo 28, nagkaroon ng katulad ng protesta sa Tokyo, Japan, kung saan ginanap ang 2+2 ministerial meeting sa pagitan naman nina Blinken at Austin at mga opisyal ng Japan. Tulad sa Pilipinas, sigaw ng mga Japanese na hindi “welcome” ang dalawa sa kanilang bansa. Panawagan din nila ang kagyat na pagpapalaya sa Palestine.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA