Hinatulan ng Sandiganbayan si dating Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista at ang dating city administrator nitong si Aldrin Cuña ng anim hanggang 10 taon pagkakulong matapos mapatunayang guilty sa graft kaugnay ng pagbili ng Online Occupational Permitting and Tracking System (OOPTS) noong 2019.
Sa 146-pahinang desisyon na isinapubliko nitong Enero 20, napatunayan ng Seventh Division ng Sandiganbayan na guilty sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina Bautista at Cuña.
“They are each sentenced to suffer an indeterminate penalty of imprisonment of six years and one month as minimum to 10 years as maximum. Additionally, said accused are sentenced to suffer perpetual disqualification to hold office,” ayon sa nilalaman ng desisyon.
Base sa reklamo ng Ombudsman, walang nilabas na city ordinance para pahintulutan ang pagbabayad ng P32.1 milyon sa pagbili ng OOPTS.
Hindi na pinagmulta ng Sandiganbayan sina Bautista at Cuña dahil naibayad na sa Geodata Solutions ang P32.1 milyon at mahirap na umano itong mabawi, bukod pa sa hindi naman respondent sa kaso ang naturang kompanya.
Binasura ng anti-graft court ang dalawang inihaing motion for reconsideration ng mga respondent pero may pagkakataon pa sila na iapela ang desisyon ng Sandiganbayan sa Supreme Court.
More Stories
DA NAGSAMPA NG KASO VS IMPORTER NG P20.8-M SMUGGLED NA SIBUYAS, CARROTS
Kampanya ng Filipinas sa 2025 AFC Women’s Futsal Asian Cup natapos na
OCCIDENTAL MINDORO INUGA NG 5.5 MAGNITUDE NA LINDOL