December 23, 2024

‘Binondominium’ itatayo para sa informal settlers sa Maynila

Kasama ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso si Vice Mayor Honey Lacuna para pangunahan ang ceremonial ground breaking ceremony ng 15-storey Binondominium sa Delpan, Binondo, Manila ngayong araw. (kuha ni NORMAN ARAGA)

PINANGUNAHAN ni Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang groundbreaking ceremony ng ‘Binondominium’ sa Del Pan, Manila.

Dumalo rin sina Acting City Engineer Pepito Balmoris at Councilors Fa Fugoso at Timoteo Oliver ‘Tol’ Zarcal sa nasabing seremonya, bilang hudyat nang simula ng pagpapatayo ng 15-storey condominium building para makapaglaan ng housing unit sa mga informal settler families (ISFs) mula sa Third District ng Maynila.

Bahagi ito ng Manila City government’s in-city vertical housing project kung saan nauna nang itayo ang ‘Tondominium 1’ at ‘Tondominium 2’ sa Vitas, Tondo.

Kapag natapos na, ang nasabing condominium building ay maghahatid ng kabuaang 168 na yunit, na may floor area na 40 square meters. Bawat yunit ay mayroong dalawang bedrooms, isa sa mga magulang at isa para sa mga anak nila.

“We want to show how to give an honest-to-goodness, liveable and decent housing….Tama at disente… Mahirap mangupahan at walang sariling bahay,” ayon kay Moreno.

Dagdag pa niya hindi niya papagayagan na substandard at hindi garantiya ang kalidad ng condominium building.

Bilang dating iskwater, sinabi ni Moreno na alam niya ang pakiramdam kung gaano kahirap ang mamuhay ng may takot at kawalan ng katiyakan kung hanggang kailan ka mananatili sa lugar na iyong tinutuluyan.

Ikunwento rin ng naturang alkalde ang mga oras na pinalayas ang kanyang pamilya sa nirerentahan nilang bahay na ayaw niyang mangyari sa kanyang nasasakupan sa kasalukuyan at sa hinarap.

Naalala rin ni Moreno nang tumira siya malapit sa site ng Binondominium at naglalaro ng ‘Paraiso ng Del Pan’ noong kanyang kamusmusan, 30 taon na ang lumipas.

 “Hindi ko maisip na ang isang batang libagin, uhugin tolongges ay makakapagbigay balang araw ng isang bagay na kahit kelan ay hindi niya natikman’, pagbabalik-tanaw ni Moreno.

Balak pa ni Moreno na magtayo pa ng maraming housing unit para sa mga mahihirap na residente ng Maynila.