BANGKAY na nang matagpuan ang isang binata nang tumalon sa C4 bridge sa Barangay Tañong, Malabon City matapos magsabing gusto na niyang magpakamatay, Linggo ng madaling araw.
Tinangka pang iligtas ng kanyang ama ang 35-anyos na biktima sa pamamagitan ng pagtalon din sa ilog subalit, hindi na niya natagpuan ang katawan ng anak dahil masyadong maputik at madilim ang tubig.
Dahil dito, humingi sila ng tulong sa Philippine Coast Guard na kaagad namang tumugon hanggang matagpuan ang wala ng buhay na katawan ng biktima dakong alas-9 ng umaga sa bahagi ng dagat sa tulay ng C4 Road na sakop na ng Navotas City.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Florencio Nalus, nakikipag-inuman ang binata sa kanyang mga kamag-anak sa labas ng kanilang tirahan sa 29 C4 Road Barangay Tañong, Malabon City dakong alas-3 ng madaling araw nang magbanta ang biktima na magpapakamatay na siya.
Inakala ng mga kaanak na nagbibiro lamang ang biktima subalit, bigla na lamang itong nagtatakbo patungo sa tulay ng C4 Road at tumalon sa maputik na ilog.
Hindi pa batid ng pulisya ang sanhi ng pagpapakamatay ng biktima bagama’t nagpahiwatig ang kanyang ama na posibleng ang kawalan ng pag-asa sanhi ng kahirapan maaaring dahilan ng pagpapatiwakal.
Napagalaman na pamumulot lamang ng basura ang hanapbuhay ng mag-ama.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY