December 24, 2024

Binata todas sa pamamaril sa Malabon

TUMIMBUWANG ang duguang katawan ng isang binata matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa Malabon City, Miyerkoles ng hapon.

Hindi umabot ng buhay sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktimang si Jamaicoh Loren Solis alyas “Maicoh”, 20 ng 654 Gabriel St., Gagalangin Tondo, Manila.

Sa report nina PSSg Jeric Tindugan at PSSg Michael Oben kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-12:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Paros Alley, Block 8, Phase 3, Brgy., Longos.

Lumabas sa imbestigasyon, nakaupo ang biktima sa naturang lugar nang bigla na lamang sumulpot ang suspek at pinagbabaril siya sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungong Padas Alley, Caloocan City habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan subalit, idineklara itong dead on arrival.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang tatlong basyo ng bala, isang fired bullet at isang metallic fragment mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa pamamaril sa biktima. (JUVY LUCERO)