June 26, 2024

BINATA TIMBOG SA MARIJUANA

Arestado ni PCpl Reynaldo Panao ng Valenzuela Police Sub-Station 3 si John Azer Co, 21, matapos makuhanan ng nasa sa 2 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana makaraang masita dahil walang suot na facemask sa harap ng Marulas Public Market. Brgy. Marulas, Valenzuela City. (RIC ROLDAN)

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang binata matapos makuhanan ng marijuana makaraang masita ng mga pulis dahil sa hindi pagsuot ng facemask sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief Col. Fernando Ortega ang naarestong suspek na si John Azer Co, 21, ng 28 C. Palo Alto St. Brgy. Marulas.

Ayon kay Station Drug Enforcement Unit (SDEU) investigator PCpl Pamela Joy Catalla, alas-9:45 ng gabi, nagsasagawa ng beat patrolling sa Market St. harap ng Rikkos Roasted Chicken, Brgy. Marulas  ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 3 na si PCpl Reynaldo Panao at PCpl Mark Jayson Cantillon sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Maj. Joebie Astucia nang masita nila ang suspek dahil walang suot na facemask.

Nang lapitan ng mga pulis para isyuhan ng ordinance violation receipt (OVR) ay umiwas at pumalag ang suspek kaya’t inaresto nila ito at nang kapkapan ay nakuha sa kanya ang anim na plastic sachets na naglalaman ng aabot sa 2 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.

Kasong paglabag sa Art 151 (Resistance and Disobedience) of RPC at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office