September 22, 2024

BINATA NAGBIGTI SA ILALIM NG TULAY (Iniwan ng Gf)

Isang binata ang nagpasyang magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa ilalim ng tulay makaraang makipaghiwalay umano sa kanya ang kanyang girlfriend sa Malabon City, Linggo ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Sonny Boy Castillo, 21, ng 142 Azucena St. Merville Tanza, Navotas City.

Sa report nina police investigators PSSg Jeric Tindugan at PCpl Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief Col. Angela Rejano, dakong 7 ng umaga nang makita ni Roberto Villador, 48 ng Blk 4 Labahita St. Brgy. Longos ang biktima na nakabigti gamit ang lubid sa ilalim ng Tanza-Hulong Duhat Bridge sa Women’s Club St. Brgy. Hulong Duhat.

Kaagad ipinaalam ni Villador ang natuklasan sa naka-duty na PSTMO na si Roberto Cabading na siya namang nag-report ng insidente sa pulisya.

Sa pahayag sa pulisya ng kaibigan ng biktima na si Reymart Diaz, noong nakaraang January 15, 2021 ay nagtangkang magpakamatay si Castillo sa pamamagitan ng paghiwa sa kanyang pulso.

Dakong 3:30 ng Sabado ng hapon, sinabi ng biktima sa video call nila ng kanyang girlfriend “Sabagay naman sinasaktan kita, at para hindi kana masaktan, mas mabuti na mawala na lang ako.

Gumawa naman ng isang waiver ang ina ng biktima na si Ma. Cecilia Cayanan na hindi siya interesado sa kahit anung gagawin imbestigasyon at autopsy ng pulisya dahil naniniwala siya na walang foul play sa pagkamatay ng kanyang anak.