January 22, 2025

Binata na wanted sa rape sa Valenzuela, arestado

HIMAS-REHAS na ang isang binata na nakatala bilang Top 3 Most Wanted Person sa Lungsod ng Valenzuela matapos masangkot sa kasong panggagahasa, mahigit dalawang taon na ang nakalilipas matapos madakip ng pulisya sa manhunt operation.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, agad niyang iniutos sa kanyang mga tauhan ang malawakang pagtugis sa akusadong si alyas “Cedric”, 22, matapos makatanggap sila ng ulat na naispatan ang presensya nito sa lungsod.

Agad namang bumuo ng team si P/Lt. Jaime Abarientos, hepe ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela police saka ikinasa ang pagtugis sa akusado hanggang matunton nila ito sa tinutuluyang bahay sa Serrano St., Brgy. Marulas.

Hindi naman umano pumalag ang akusado nang arestuhin nila sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Mateo B. Altajeros ng Branch 172 noong Hulyo 28, 2023 para sa kasong Rape.

Ani Lt. Abarientos, nangyari ang panghahalay sa 16-anyos na biktima noong August 28, 2022 sa Brgy. Marulas.

Nagtungo umano ang biktima, kasama ang isang kaibigan sa bahay ng akusado para magpa-tattoo at matapos nito ay nag-inuman ang mga ito kung saan nang malasing ang dalagita ay doon na umano naganap ang panghahalay sa kanya.

Dagdag pa ni Lt. Abarientos, dalawa ang inakusahan sa naturang insidente subalit, nauna na aniyang nadakip ang kasama ni alyas Cedric noong  Nobember 24, 2024.

Sinabi naman ni Col. Cayaban na walang piyansang inirekomenda ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado dahil sa bigat ng kanyang pagkakasala.

Pinuri naman ni Acting District Director ng Northern Police District (NPD) P/Col. Josefino Ligan ang Valenzuela Police Station sa kanilang sipag at hindi natitinag na pangako na matiyak ang kaligtasan ng publiko at dakpin ang mga taong nasasangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen. (JUVY LUCERO)