ISINIWALAT ni dating Senador Panfilo Lacson na mas malaki ang naibulsa ng mga kongresista katuwang ang kanilang kasabwat na implementing agency at mga paboritong kontraktor kesa sa flood control project ng gobyerno.
Sa kanyang pinost sa X (dating Twitter), sinagot ni Lacson ang tanong ni DJ Chacha kung saan napunta at ano na ang nangyari sa P147.5-bilyong nakalaan para sa mga flood control projects sa Metro Manila noong nakaraang taon.
“It is because most of the budget for the flood control projects flood the pockets of the proponents in Congress in connivance with the implementing agencies and their favorite contractors,” patutsada ni Lacson.
Dito na pumasok ang isa pang netizen na nagtanong naman sa dating senador kung ano ang kanyang ginawa para supilin ang katiwalian sa mga flood control projects noong siya’y nasa pwesto pa.
Ang sagot ni Lacson – marami.
“Marami akong ginawa nung senador ako for 18 years para labanan ang pag-aabuso sa national budget. Aabot sa P300 bilyon sa kaban ng bayan ang naisalba namin ng mga Senate staff ko dahil sa matiyagang pagbusisi sa taunang budget deliberations ng Kongreso. Ewan ko kung nasaan ka noon?” patuyang tugon ng dating mambabatas.
Bago pa man nakipag balitaktakan sa netizen si Lacson, kinuwestiyon ni Senate President Francis Escudero ang pagiging epektibo ng mga flood control measure at ang paggamit ng P255-bilyong pondo para sa mga proyekto kontra baha.
Para kay Escudero, dapat imbestigahan ng kongreso ang aniya’y inutil na proyekto ng DPWH.
Inatasan na rin ng lider ng Senate ang Committee on Public Works para alamin ang rason sa likod ng tila hindi pagiging epektibo ng mga flood control project sa kabila ng napakalaking pondo.
Sa Kamara Representantes, desidido si House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro na bubusisiin ang pondo ng DPWH sa mga flood control project matapos ang naranasang malawakang baha sa National Capital Region (NCR) at iba pang bahagi ng Luzon.
“The Marcos Jr. administration has allotted a drastically high budget for flood control funds in the 2024 budget of the DPWH, but thousands of people were forced to flee to their roofs or evacuate due to the massive floods caused by Super Typhoon Carina,” sabi ni Castro.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA