December 20, 2024

BILLARAN JUDGE SINIBAK NG SC

SINIBAK ng Korte Suprema ang isang hukom na nagmanipula sa pagbili ng mga medcal supply ng Lungsod ng Maynila noong panahon ni Mayor Erap Estrada.

Sa inilabas na en banc decision, tinanggal sa puwesto ng Supreme Court (SC) si Judge Ateneones Bacale, Presiding Judge ng Municipal Circuit Trial Court ng Bilian-Cabucgayan, Biliran.

Natuklasan na noong 2016, inalok ni Bacale ang supplier ng gamot na si Aldrin Magaoay ng isang proyekto na nagkakahalaga ng P50 milyon para sa suplay ng mga gamot sa apat na ospital sa Maynila. Sinabi ni Bacale na ang kanyang asawa na si Romilda, Executive Secretary ng noo’y Mayor Estrada, ay maaaring mag-facilitate ng procurement pabor kay Magaoay nang hindi na kinakailangang pang dumaan sa bidding process.

Nang umabot na sa halos P20 milyon ang mga bayad nang walang anumang progreso sa mga proyekto, napagtanto ni Magaoay na niloloko siya nina Bacale at ng asawa nito, kaya nagpasya siyang magsampa ng administrative complaint laban kay Bacale dahil sa gross misconduct.

Ayon sa Korte, nilabag ni Bacale ang pinakamataas na pamantayan sa asal ng mga hukom na nagbukas ng katanungan sa kanyang integridad bilang hukom.

Inamin din nito na nagsilbi siyang “bagman” ng kanyang asawang ilegal na iniimpluwensiyahan ang bidding para sa medical supplies.

Hinatulan ng Korte ng guilty si Bacale sa kasong gross misconduct at agad na sinibak sa kanyang pwesto. ARSENIO TAN