December 25, 2024

BILIBID JAIL GUARD ARESTADO SA P68-M SHABU

Sibak sa serbisyo ang isang jail guard ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City matapos masakote sa ikinasang illegal drugs buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Parañaque City.

Natukoy ang nadakip na jail guard na si Corrections Officer 1 Paul Patrick Toledo na nakatalaga sa maximum security compound ng Bilibid.

Naaresto din ang mga kasamahan nito na isang security guard na si Reynold Teodoro at truck driver na si Romeo Guerrero.

Nasabat mula sa mga suspek ang 10 kilo ng pinaghihinalaang shabu na may street value na P68 million, isang pistol na may kargang 8 bala at iba pang mga gamit, pera at sasakyan.

Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ang pagkakaaresto sa jail guard ay nagpalakas pa sa kampaniya ng ahensiya para masawata at malantad ang mga tiwaling corrections officer na sangkot sa mga ilegal na gawain.

Saad pa ng BuCor chief na maigting silang nakikipag-tulungan sa PDEA para matiyak na lahat ng kanilang personnel at mga dalaw ng mga preso na naaresto dahil sa pagpupuslit ng mga ilegal na droga sa loob ng Bilibid ay mai-turn over para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.