
Dalawang bangkay pa ang narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes, Abril 17, mula sa lumubog na dredging vessel na MV Hong Hai 16 sa baybayin ng Barangay Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro.
Sa kabuuan, apat na na ang kumpirmadong nasawi—tatlo ang nakuha mula sa loob ng barko at isa ang namatay sa ospital.
Ayon sa PCG, ang unang bangkay ay natagpuan alas-8:15 ng umaga sa accommodation area sa ilalim ng tulay ng barko. Ang ikalawa naman ay nakita alas-11:36 ng umaga sa isang cabin sa main deck.
Nananatiling 14 ang nakaligtas habang pito pa ang nawawala.
Bilang pag-iingat sa posibleng oil spill, agad naglagay ng oil spill booms ang Marine Environmental Protection – Emergency Response Group Southern Tagalog sa paligid ng lumubog na barko.
Ang MV Hong Hai 16 ay lumubog noong Abril 15, humigit-kumulang 100 metro mula sa baybayin ng Barangay Malawaan. May sakay itong 13 Pilipino at 12 Chinese nationals, ayon sa operator nitong Keen Peak Corp. (BG)
More Stories
Panahon na Para sa Tunay na Partido, Hindi Personalidad
Ogie Diaz kay Camille Villar: ‘Tubig muna bago pabahay’
PAGASA: MATINDING INIT SA LUZON, POSIBLENG PAGBAHA AT LANDSLIDE SA MINDANAO NGAYONG BLACK SATURDAY