December 25, 2024

Bilang ng namatay sa drug war halos 6,000 na – PDEA

AABOT sa 5,903 ang napatay mula nang simulan ang agresibong giyera kontra droga sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mula Hulyo 1 hanggang Setyembre 30, 2020 ay 178,616 anti-illegal drug operations na ang naisagawa kung saan 259,296 na mga hinihinalang drug personalities ang naaresto.

Sa kabuuan, 10,488 ang high-value target, kabilang ang 283 dayuhan, 356 elected officials, 102 uniformed personnel, 438 empleyado ng gobyerno, 3,034 target-listed, 747 drug group leaders, 66 armed group members, 1,004 drug den maintainers, 229 wanted, 16 celerities o may hawak ng lisensya ng Professional Regulation Commission (PRC) at 4,213 suspetcs na naaresto sa high-impact operations.

Nasagip naman ang 3,353 menor de edad sa nasabing operasyon.

Ang kabuuang halaga ng shabu na nakumpiska ng pulisya sa anti-drug operations ay umabot sa P44.22 bilyon.

Ang datos na ito ay taliwas sa bilang ng local at international human rights groups kung saan sinasabing 27,000 indibidwal ang napatay sa madugong kampanya laban sa illegal na droga ni Pangulong Duterte.