June 27, 2024

Bilang ng illegal POGO sa Pilipinas, tumaas, ayon sa PAOCC

Aminado ang Presidential Anti Organized Crime Commission o PAOCC na lumobo ang bilang ng mga illegal na POGO o Philippines Offshore Gaming Operators sa Bansa kasunod nang mga nagaganap na pagsalakay sa mga POGO hub

Sa Kapihan sa Manila Bay, kinumpirma rin ni PAOCC Director Gilbert Cruz, na maraming bilang ng mga ilegal na POGO sa bansa ang nasa National  Capital Region at Luzon.

Ngunit  may mga namomonitor din silang mga nag-o-operate na illegal POGO companies sa Visayas at Mindanao, na lahat ay hindi nag-renew ng kanilang lisensya.

Binanggit ni Cruz  na sa data ng PAGCOR, 49 lang ang lisensiyadong POGO sa bansa, na lehitimong nakapag-o-operate.

Isa aniya sa nakikita nilang dahilan nang pagdami  ng mga illegal POGO companies ay ang hindi na pagri-renew ng lisensya ng mga kumpanya.

Kumbinsido si Cruz na batid ng mga POGO companies na hindi na sila bibigyan ng lisensiya dahil sa mga paglabag at illegal na gawain gaya ng scam at pagpapahirap at pananakit o torture

Apela ni Usec Cruz sa gobyerno na repasuhin ang mga regulasyon para higpitan pa ang paglalabas ng lisensiya sa mga POGO at mga dayuhang kawani

Samantala, kinumpirma rin ni Cruz na sumasailalim na sa forensic examination ang narekober na cellphone mula sa isang Chinese na nadakip noong Sabado sa compound ng illegal POGO sa Porac, Pampanga.

Ayon kay Cruz, nadiskubre sa cellphone ang mga larawan ng ilang pinatay na hinihinalang biktima at aktuwal na video ng mga tumakas na empleyado sa kasagsagan ng raid.

Nabatid na wanted rin sa China dahil sa iba’t ibang violent crimes ang naarestong si Wu Lifeng, na hinihinilang torturer sa illegal POGO hub.