
PASIG CITY — Isang 36-anyos na lalaki na residente ng San Andres, Cainta ang nasawi matapos mabundol ng SUV habang nagbibisekleta sa eastbound lane ng Shaw Boulevard sa Brgy. Kapitolyo nitong Hunyo 24, 2025 bandang 3:20 ng hapon.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang biktima ay sakay ng kanyang mountain bike nang mabangga ang isang Suzuki Carry na nakaparadang ilegal sa gilid ng kalsada. Ang 39-anyos na driver ng Suzuki, residente ng Brgy. Buting, ay nagbababa ng mga galon ng tubig nang biglang bumukas ang tailgate ng sasakyan at tumama sa kanang bahagi ng bisikleta ng biktima.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang biktima at tumilapon sa kalsada. Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang Mitsubishi Montero Sport na minamaneho ng isang 59-anyos na lalaki mula Brgy. Pinagbuhatan ang aksidenteng nakabangga sa nakahandusay na biktima, na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.
Ang parehong driver ng Suzuki at Montero ay agad na inaresto at binasahan ng kanilang karapatan. Inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property para sa isasagawang inquest proceedings sa Pasig City Prosecutor’s Office.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente.
Samantala, umaapela ang mga awtoridad sa publiko na iwasan ang ilegal na pagpaparada sa mga pangunahing kalsada at pairalin ang sapat na pag-iingat upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.
More Stories
CIDG, huwag palagpasin ang ‘Payola Ops’ sa loob ng hanay
PBBM PINANGUNAHAN PAGWASAK SA P9-B DROGA
4 Most Wanted, arestado sa sunod-sunod na operasyon ng Rizal Police