
MANILA — Sa mismong World Bicycle Day nitong Hunyo 3, sumiklab ang galit ng mga cyclist at transport advocates matapos mapansin ang tahimik na pagtanggal ng mga bike lane barriers sa kahabaan ng EDSA — isang hakbang na tinawag ng marami na “mapanganib at walang konsiderasyon.”
Unang nakapansin ng pagkawala ng proteksiyon si Oscar Nava, isang aktibong cyclist at advocate, habang nagbibisikleta noong Linggo, Hunyo 1. Ayon sa kanya, naalis ang mga barrier sa bahagi ng Guadalupe, pati na rin sa Ortigas hanggang Ayala Avenue, sa parehong direksyon.
“Walang abiso, walang anunsyo, basta na lang inalis,” ayon kay Nava.
Mariing kinondena ng grupong Move as One Coalition (MAOC) ang nangyari. Sa kanilang pahayag:
“Sa mismong World Bicycle Day, kinokondena namin ang palihim at kriminal na kapabayaan ng mga ahensyang responsable sa pagtanggal ng bike lane barriers sa EDSA.”
Dagdag pa ng grupo, ang hakbang na ito ay naglalagay sa panganib sa mga vulnerable road users tulad ng mga biker na ngayo’y walang proteksiyon laban sa mabilis na sasakyan.
“Sa panahong dapat inuuna ang kaligtasan at sustainable transport, ang biglaang pag-alis ng mga barrier ay malinaw na hakbang paatras.”
Ayon sa MMDA, bahagi raw ito ng planong gawing shared lane para sa bisikleta at motorsiklo bilang tugon sa rehabilitasyon ng EDSA. Pero mismong si Pangulong Bongbong Marcos ay pinatigil muna ang nasabing rehabilitasyon noong Mayo 1 upang magkaroon ng mas maayos na plano.
Tinangka ng media na tanungin kung ibabalik pa ang mga barrier, ngunit ayon sa MMDA, “DPWH at DOTr ang dapat tanungin diyan.” Hanggang ngayon, wala pa ring tugon mula sa dalawang ahensiya.
Taong 2023 nang una nang tutulan ng MAOC ang panukalang shared lane ng motorsiklo at bisikleta, dahil sa mas mataas na peligro sa disgrasya para sa mga biker.
More Stories
P102K SHABU NASAMSAM! KELOT KUMAGAT SA BUY-BUST SA VALENZUELA
Iba-ban si referee Collantes… DESISYON MALAMANG MABALIGTAD PABOR KAY SUAREZ NG PILIPINAS
Drug suspect, tiklo sa buy-bust sa Valenzuela