Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean at isang Taiwanese national na wanted sa mga awtoridad dahil sa krimen na may kinalaman sa illegal narcotics.
Sa ipinadalang report kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ng fugitive search unit (FSU) ng bureau ang 44-anyos na puganteng South Korean na si Choi Sungeun na naaresto noong Huwebes sa kanyang tinutuluyang hotel sa Bgy. Tramo sa Pasay City.
Inaresto si Choi sa bisa ng warrant of deportation na inilabas ni Morente alinsunod sa deportation order na inilabas laban sa Korean ng BI board of commissioners noong 2019 dahil sa pagiging undesirable alien.
Idinawit din siya bilang isang undocumented alien nang kanselahin ang kanyang pasaporte ng South Korean government.
Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, subject si Choi ng isang arrest warrant na inisyu ng district court ng Korea kung saan kinasuhan siya ng trading psychotropic substances sa paglabag sa narcotics control act ng naturang bansa.
Ayon kay Sy, ginagamit ni Choi ang social media websites para maghanap ng buyer sa kanyang inilalakong ilegal na droga at para matanggap ang pera mula sa kanyang kliyente ay ipinade-deposit niya ang bayad sa kanyang bank accounts.
Nabunyag umano ang kanyang raket nang magpanggap ang isang police officer bilang costumer at kinuha ang ilegal na droga mula sa lugar kung saan itinatago niya ang mga ito.
Lumalabas sa rekord ng BI na dumating si Choi sa Pilipinas bilang turista noong Mayo 2017 para magtago sa ating bansa.
Iniulat din ni Sy ang pagkakaaresto kay Tsai Tsung-Yu, 26, Taiwanese national, na nahuli sa Tambo, Parañaque City.
Nadakip ang puganteng wanted sa Taiwan na si Tsai, nagtatago sa pangalang Cai Zong-You, alinsunod sa mission order na inilabas kamakailan lang laban sa kanya.
Nabulgar mula sa Taiwanese authorites na si Tsai ay may outstanding warrant of arrest na inilabas ng Taiwan New Taipei District Prosecutors Office dahil sa drug trafficking, sa paglabag sa batas ng Taiwan sa narcotics hazards prevention.
Lumabas din sa database ng BI na si Tsay ay isang overstaying alien na paso na ang visa mahigit isang taon na ang nakalilipas.
Kapwa nakakulong ang dalawa sa holding facility ng Bureau sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang deportation. Inilagay na rin sila sa black list ng BI, kung saan hindi na sila muling makapapasok pa sa Pilipinas.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA