December 25, 2024

BI NAGPASALAMAT; SENADO TINIYAK PAPASA BAGONG IMMIGRATION BILL

Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ang mga opisyales at empleyado ng Bureau of Immigration sa Senado sa pagsasagawa ng pagdinig sa panukalang bagong Philippine Immigration act at pagtitiyak na maipapasa ito bago ipagpaliban ng kasalukuyang Kongreso ang huling sesyon nito sa Hunyo.

“I join the rank and file workers of the BI in expressing our utmost gratitude and appreciation to the Senate Committee on Justice, chaired by Sen. Richard Gordon, for conducting the hearing last Wednesday on the proposed new Immigration act for the country,” pahayag ni Immigration Commissioner Jaime Morente.

Binigyang-diin ni Morente na “very long overdue” na ang pagsasabatas ng bagong immigration act dahil patuloy na kumikilos at nag-o-operate ang BI batay sa Commonwealth Act. No. 613 na naipasa 82 taon na ang nakararaan.

“We are elated to hear that there is still hope in passing the new law,” saad ni Morente.

Sa Committee Hearing, sinabi ni Sen. Gordon na sisiguraduhin niyang matapos ang bersyon ng Senado ng Immigration Bill para ma-sponsor ito sa plenaryo ng Senado.

Kapag naaprubahan ng plenaryo ng Senado, ang panukalang batas ay ipagkakasundo sa katulad na panukala na naunang ipinasa ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa Bicameral Conference Committee.

Sinabi ni Morente na kumpiyansa ang BI na may sapat pang panahon para sa Senado at Kamara na maipasa ang bagong Immigration bill at mapirmahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas.

Kabilang sa mga isyung malawakang tinalakay sa pagdinig noong Miyerkules ay ang panukalang i-upgrade ang salary scales at benepisyo ng mga empleyado ng BI upang maging pare-pareho ang mga ito sa suweldong natatanggap ng mga manggagawa ng iba pang ahensya ng gobyerno na gumaganap ng kritikal at mahahalagang tungkulin.

 Tinalakay din ang panukalang palakasin ang awtoridad ng BI commissioner na disiplinahin ang mga empleyadong nagkakamali upang masugpo ang katiwalian sa kawanihan.

Nakatuon din ang pagdinig sa iba’t ibang uri ng immigrant at non-immigrant visa na maaaring ibigay ng BI sa mga dayuhan na gustong magkaroon ng resident status sa bansa.

Pinasalamatan din ni Morente ang mga Senador na nag-sponsor ng mga bersyon ng BI Modernization Bill kabilang sina Senator Juan Miguel Zubiri, Senator Imee Marcos, Senator Christopher “Bong” Go, at Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.  “A new Philippine Immigration Law proposed is a game changer that would enable the Bureau of Immigration to perform its duties and fulfil its mandate given the evolving immigration landscape,” saad ni Morente.