November 18, 2024

BI MULING INILUNSAD 24/7 HELPLINE, PINAIGTING INTEL OPERATIONS

INANUNSIYO ng Bureau of Immigration (BI) na pinaigting nito ang kanilang intelligence operations sa mga lalawigan laban sa mga illegal aliens na nagtatago sa malalayong lugar sa Pilipinas

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, inatasan na nito si Intelligence Division chief Fortunato Manahan Jr. na magsagawa ng operasyon laban sa mga ulat na maraming illegal aliens ang nagtatago sa malalayong lugar sa bansa.

Iniulat ni Manahan na kamakailan ay naaresto nito ang ilang illegal aliens sa probinsya ng La Union at Laguna.

Noong Pebrero 28 nang madakip ang Indian national na si Harpreet Singh, 34-anyos, sa pinagtataguan nito sa Agoo, La Union ng mga operatiba ng BI intelligence division.

Sa imbestigasyon, lumalabag na si Singh ay overstaying na sa bansa sa loob ng mahigit sa apat na taon.

Sa nasabing araw, nadakip ng BI ang limang Chinese nationals sa isang warehouse sa Biñan, Laguna matapos na natuklasan na undocumented, overstaying, na ang mga ito sa bansa at nagtatrabaho nang walang kaukulang working visa na paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.

Ibinahagi ni Manahan na ang mga regional intelligence officer ay naka-deploy para magsagawa ng mga imbestigasyon sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Samantala, muling inilunsad ni Tansingco ang Immigration Helpline PH 24/7, na naglalayong himukin ang mga netizens na mag-ulat ng mga ilegal na dayuhan sa kanilang mga lugar.

Ang helpline ay nabuo bilang isang direktang linya sa tanggapan ng Office of the Commissioner para sa mga maaaring may mga alalahanin, tanong, o mungkahi para sa BI. “We have expanded the scope of the helpline to accommodate anonymous reports from the public about illegal aliens that might be hiding in their areas,” said Tansingco. “We see that social media is a powerful tool, and it can be used to receive valuable information that might help us rid the country of foreign nationals abusing our hospitality,” saad pa ni Tansingco. (JERRY S. TAN)