December 24, 2024

BI magdadagdag ng manpower sa NAIA

MAGDADAGDAG ang Bureau of Immigration (BI) ng kanilang manpower sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong Disyembre bilang proactive measure para sa Christmas holiday season.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente ide-deploy ang mga immigration officers na nakatalaga sa bureau’s main office at iba pang satellite, extension at field offices sa Metro Manila sa NAIA na magsasagawa ng primary inspection sa immigration arrival at departure counters ng nasabing paliparan.

“This is a temporary measure that we are taking proactively,” saad ni Morente.

“While we do not expect a major rise in the number of travelers this holiday season, we’d rather err on the side of caution and beef up our deployment,” dagdag pa niya.

Ang naturang direktiba ay dahil na rin sa update ng international travel restriction ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) na pumapayag sa visa free entry ng balikbayans.

Kinakailangang sumunod sa direktiba ang mga nakatalagang immigration officers sa BI offices sa Metro Manila, maliban sa division at section chiefs, seniors at sa mga nakakaranas ng malubhang karamdaman.

Naisinumite na rin ng mga division chief ng BI ang mga pangalan ng mga immigration officers na nakatalaga sa kanilang opisina na ide-deploy sa NAIA sa susunod na linggo.

Sinabi ni Atty. Candy Tan, BI port operations division chief na ang augmentation ng BI personnel sa premiere port ay bilang paghahanda na rin sa bahagyang pagdami ng bilang ng mga international flights maging ang volume ng mga pasahero sa mga susunod na linggo sa kabila ng travel restrictions na ipinatutupad dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Dagdag ni Tan ang pinakahuling direktiba ng IATF na payagan ang mga balikbayan at kanilang mga asawang banyaga at mga anak na makapasok sa bansa ay magiging rason sa pagbuhos ng mga international passenger arrivals habang papalapit na ang holiday season.