HUMIRIT si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente sa mga mambabatas na ipasa ang mahigpit at bagong batas sa immigration upang maipatupad ang kanilang mandato partikular na sa pagsingil sa mga airlines companies na patuloy ang paglabag sa pagpapalipad ng mga ‘undocumented passengers’.
Ang nasabing panawagan ay makaraan ang obserbasyon at rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) sa kanilang Audit Report for 2019 na mayroon silang mga receivable mula sa mga airlines companies na aabot sa P272 milyon na hindi pa nababayaran ng mga ito.
Sinabi ni Morente na base sa Section 44 ng Immigration Act, pagmumultahin ng P500 ang airline company o barko na matutuklasan na nagpabiyahe ng dayuhan na hindi maayos ang dokumento.
Tumaas pa ito noong taon 1999, kung saan umabot ng P50,000 ang penalty ng bawat ilegal alien noong kapanahunan ni dating BI Commissioner Rufus B. Rodriguez, makaraang aprobahan ni dating Department of Justice (DOJ) Secretary Serafin Cuevas.
Ngunit ibinalik din ito sa P500 noong 2016 ni dating DOJ Secretary Emmanuel Caparas matapos mag-isyu ito ng isang circular na nag-aatras sa BI na ibalik sa P500 ang singil makaraang batikusin ng airlines companies ang legalidad ng 1999 memorandum.
Pinayuhan ni Caparas ang BI na magpanukala ng bagong batas na mag-aamiyenda sa Immigration Act at maitaas ang multa na ipinapataw sa mga airline compa¬nies.
“This move has put the government to a dis-advantage,” giit ni Morente. “The penalties for erring airlines remain low, at P500. This ridiculously low amount does not deter airlines from committing violations,” dagdag pa niya.
Pinayuhan naman ng COA report ang kasalukuyang mga opisyal ng BI na hilingin sa kanilang mother agency na ang DOJ na resolbahin ang isyu ng legalidad sa multa.
“It is necessary to equip the BI with the necessary legal and administrative tools for us to effectively carry out our mandate,” ayon pa kay Morente na idinagdag na mababawasan ang pagpasok ng mga iligal na dayuhan at mapipilitan na maghigpit ang mga airlines kung maitataas ang multa laban sa kanila.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA