
PASAY CITY — Isa na namang bugso ng deportasyon ang isinagawa ng Bureau of Immigration (BI) nitong Hunyo 17, matapos ipabalik sa China ang 100 ilegal na POGO workers bilang bahagi ng kampanya laban sa mga banyagang lumalabag sa immigration laws ng bansa.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga deportado—lahat ay Chinese nationals—ay sapilitang pinauwi sakay ng isang Philippine Airlines flight papuntang Shanghai mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking mahigpit ang pagpapatupad ng batas sa imigrasyon.
Ang mga nasabing dayuhan ay nasa kustodiya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) matapos silang masampahan ng kaso ng BI dahil sa paglabag sa immigration laws. Sila ay naaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa Pasay, Cavite, at Parañaque noong mga unang buwan ng taon.
Nagpasalamat si Viado sa PAOCC sa matibay nitong suporta: “We are grateful to the PAOCC for their continued support in identifying and apprehending illegal POGO workers who undermine our laws and threaten public order.”
Binigyang-diin ni Viado na malinaw ang mensaheng hatid ng deportasyon: “The Philippines will not be a refuge for foreign nationals who abuse our hospitality and violate our laws.”
Dagdag pa niya, tuloy ang koordinasyon ng BI sa iba pang ahensya ng gobyerno upang wakasan ang ilegal na POGO operations sa bansa: “We will continue to work hand-in-hand with our partners to protect our borders and restore integrity in immigration processes.”
Samantala, nagpapatuloy ang mga pagsalakay sa mga natitirang iligal na POGO hubs sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
More Stories
Buy-bust ops sa Rodriguez, Rizal: P1-M shabu at baril, nasamsam, 2 suspek tiklo
Gumahasa sa PWD, arestado sa Antipolo
3 PATAY, 5 SUGATAN SA SALPUKAN NG KOTSE AT VAN SA TAGAYTAY