December 25, 2024

BI IPADE-DEPORT PUGANTENG SOKOR NA WANTED SA TELEPHONE FRAUD

ARESTADO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean fugitive na wanted sa mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa pagkakasangkot sa telephone fraud na nakapambiktima ng marami niyang kababayan.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nadakip noong Miyerkoles ng fugitive search unit (FSU) ng BI, ang 43-anyos na si Yi Younggwi sa kanyang tahanan sa North Dasma Garden Villas sa kabahaan ng Molino-Paliparan Rd. sa Dasmariñas City, Cavite.

Nadakip si Yi sa bisa ng isang warrant of deportation na inilabas ni Morente, alinsunod sa summary deportation order laban kay Yi na inisyu noong 2019 dahil sa pagiging undesirable alien.

“He has been on our wanted list for nearly three years but the long arm of the law finally caught him.  Let this serve as another warning to wanted foreign criminals that the Philippines is not a sanctuary for fugitives,” saad ni Morente.

Inutusan ng BI chief ang bureau’s division na pabilisin ang pag-alis ni Yi sa bansa para maibalik siya sa Korea upang harapin ang paglilitis at tumanggap ng kaparusahan sa kanyang mga nagawang krimen.

Idinagdag niya na si Yi ay hindi na muling makapasok sa Pilipinas dahil sa kanyang pagkakasama sa immigration blacklist.

Ibinunyag ni Rendel Ryan Sy, acting chief ng BI-FSU, na si Yi ay napapailalim sa warrant of arrest na inisyu ng isang district court sa Daegu City, South Korea kung saan kinasuhan siya sa pagkakasangkot sa fraudulent transactions na labag sa criminal at electronic financial transactions laws ng naturang bansa.

Sinabi ni Sy na ang Koreano ay subject din sa red notice mula sa Interpol na inilabas noong Abril 2018, o tatlong buwan pagkatapos maglabas ang korte ng distrito ng Daegu ng warrant para sa kanyang pagkakaaresto.

Isiniwalat sa impormasyong ibinigay ng national central bureau ng Interpol sa Maynila na noong Mayo 2017, si Yi at ang kanyang mga kasamahan ay nasangkot sa voice phishing at telephone fraud operations na napakanloko sa maraming Koreanong biktima ng higit sa 115.7 million won o halos US$100,000.
Pinagtatawagan umano ng mga suspek ang mga bank depositors at nagpanggap na mga opisyal ng bangko, kaya nakuha nila ang mga detalyadong impormasyon sa mga bank account at debit cards ng kanilang biktima. (BOY LLAMAS)