April 16, 2025

BI-FSU INARESTO 2 DAYUHAN NA WANTED SA INTERPOL

INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration – Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang dalawang dayuhan sa Pampanga.

Ayon kay BI spokesperson Dana, nadakip ang dalawang dayuhan sa Angeles City Pampanga noong Marso 31, sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng mga operatiba ng BI-FSU sa pamumuno ni Rendel Ryan Sy.

Unang naaresto sa kanyang bahay sa Brgy. Malabanias, Angeles City ang German national na si Klaus Dieter Boekhoff, 60, na wanted sa mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa internet fraud.

Si Boekhoff ay may arrest warrant na ipinalabas ng local court sa Bamberg, Germany noong Disyembre 5, 2024 dahil sa multiple counts ng fraud cases na inihain laban sa kanya.

Ayon kay Sandoval, na base sa report mula sa mga awtoridad ay nagsimulang mag-operate si Boekhoff ng mahigit sa isang daang pekeng online stores noong 2023 na nakapangloko ng 590 biktima kung saan umabot sa mahigit 81,000 euros ang natangay sa kanilang pera kung pagsasamahin.

Ginawa niya ang mga online store para makapangloko ng mga customer na oorder ng items dito pero hindi naman ide-deliver kaya’t ang pera na kanilang ibinayad ay kasamang naglaho parang bula.

Nasilo din ng mga araw ding iyon sa kanyang bahay sa Timog Park Homes, Angeles City ang Korean national na si Ryu Hoijong, 48, na wanted sa mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagnanakaw.

Ninakaw ni Ryu at kanyang kasabwat noong 2015 ang isang sasakyan na nagkakahalaga ng 40 million won, inirehistro sa third party at kalaunan ay illegal na ibinenta sa isang buyer.

Ayon kay Sy, kapwa na nakakulong na ngayon sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City hanggang sila ay masipa palabas ng bansa.

“The duo will be deported and placed in the immigration blacklist, effectively banning them from re-entering the country for being undesirable aliens.  They were arrested pursuant to notices issued by the Interpol which sought the BI’s help in locating and arresting the said fugitives,” ayon kay Sandoval. (ARSENIO TAN)