May 13, 2025

BI CHIEF VIADO SA CONSULAR CORPS: ISULONG ANG “BAGONG IMMIGRATION” PARA SA MAKABAGONG PILIPINAS

MAKATI CITY — Nanawagan si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado sa mga miyembro ng diplomatic at consular community na makiisa sa pagsusulong ng makatao, ligtas, at makabago’t episyenteng sistema ng imigrasyon sa bansa.

Sa kanyang talumpati noong Abril 30, 2025, sa general membership meeting ng Consular Corps of the Philippines na ginanap sa Makati City, ipinakilala ni Viado ang bagong adbokasiya ng ahensya na tinawag na “Bagong Immigration” — isang malawakang reporma na nakatutugma sa Bagong Pilipinas governance agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nakasentro sa integridad, inobasyon, at inklusibidad.

“Ang mga repormang ito ay hindi lamang para ayusin ang sistema kundi upang muling pagtibayin ang ating pagpapahalaga sa serbisyo, kooperasyon, at paggalang, ani Viado.

Inilahad din ng komisyoner ang 7-point reform agenda ng ahensya, sa ilalim ng acronym na P.E.R.F.O.R.M., na nangangahulugang:

  • Public Service Excellence
  • Empowered Personnel
  • Robust Law Enforcement
  • Filipino-First Approach
  • Operational Efficiency
  • Responsive Infrastructure
  • Modernization through Technology

Ayon kay Viado, ang mga hakbang na ito ay magsisilbing pundasyon para mapahusay ang serbisyo sa mga biyahero at migrante, mapalakas ang seguridad ng mga hangganan, at mapatibay ang ugnayan sa mga dayuhang kaalyado.

Binigyang-diin rin niya ang kahalagahan ng konsultasyon sa mga opisyal ng konsulado upang bumuo ng makatao at epektibong mga polisiya sa migrasyon.

“Ang immigration ay tulay sa pagitan ng mga bansa. Ang inyong pananaw at pakikipagtulungan ay mahalaga sa paghubog ng mga polisiya na may malasakit sa bawat mamamayan at sa ating bilateral relations,” aniya.

Sa gitna ng lumalalang mga isyung panrehiyon at pandaigdig hinggil sa migrasyon, sinabi ni Viado na kailangang-kailangan ang mas koordinadong internasyonal na pagkilos upang mapanatili ang kapayapaan at matiyak ang seguridad ng mga hangganan ng Pilipinas.

Tiniyak din ng BI ang buong suporta sa direktiba ng Pangulo na isulong ang good governance at global engagement sa larangan ng imigrasyon.“Magsama-sama tayong kumilos — nagkakaisa sa layunin, sabay-sabay sa progreso — sa ilalim ng Bagong Immigration tungo sa Bagong Pilipinas, pagtatapos ni Viado.