
MAYNILA -Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa mga scammer na gumagamit ng pangalan ng kanilang mga opisyal sa umano’y love extortion scheme o modus na gamit ang online romansa para makapanloko ng pera.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nakatanggap na sila ng ulat hinggil sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang mga opisyal ng ahensya at ginagamit ito upang linlangin ang mga dayuhan at Pinoy na biktima.
“Ipinapakita sa amin na ginagamit ang mga pekeng dokumento at BI ID upang magmukhang lehitimo ang mga transaksyon,” ani Tansingco.
Sa naturang scam, kinukuha ng mga suspek ang loob ng kanilang mga biktima sa pamamagitan ng online dating o chat apps. Kapag nakuha na ang tiwala ng biktima, ginagamit na ang pangalan ng mga opisyal ng BI para sabihing kailangang magbayad ng “legal fees” o “release payment” para makalabas sa kulungan ang sinasabing kasintahan o ka-chat.
Mariing itinanggi ng ahensya ang anumang koneksyon sa mga ganitong aktibidad at pinaalalahanan ang publiko na huwag basta-basta magpadala ng pera lalo na kung hindi lehitimo ang pinagmulan ng impormasyon.
“Kung may duda, makipag-ugnayan agad sa aming opisina o tumawag sa opisyal na hotline ng BI,” dagdag pa ni Tansingco. Patuloy ang imbestigasyon ng ahensya para matukoy at mahuli ang mga nasa likod ng panloloko.
More Stories
Akbayan Nangunguna sa Party-List Race ng Halalan 2025
VICO SOTTO, LANDSIDE NA NAMAN SA PASIG (Mahigit 390K na boto, lamang na lamang sa mga katunggali)
GO, AQUINO, DELA ROSA NANGUNGUNA SA SENATORIAL RACE — PARTIAL RESULTS NG COMELEC