
KALIBO, Aklan – Pinagbabaril at napatay sa loob mismo ng kanyang tahanan ang kilalang mamamahayag at chairman emeritus ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI) na si Juan P. Dayang, 89-anyos, dakong alas-8 ng gabi nitong Martes, Abril 29, 2025.
Ayon sa ulat, nanonood ng telebisyon si Dayang sa kanyang tahanan sa Casa Dayang sa Villa Salvacion, Kalibo, nang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang salarin na naka-bonnet. Tatlong putok ang pinakawalan mula sa labas ng bahay—isa sa leeg at dalawa sa likod ang tinamo ng biktima. Idineklarang dead on arrival si Dayang sa Dr. Rafael S. Tumbocon Memorial Hospital dakong alas-8:33 ng gabi.
Kilala si Dayang bilang haligi ng pamamahayag sa bansa. Bukod sa pagiging presidente ng PAPI sa loob ng mahigit dalawang dekada, naging presidente rin siya ng Manila Overseas Press Club, direktor ng National Press Club, at founding president ng Federation of Provincial Press Clubs of the Philippines. Sa kanyang pagpanaw, siya ay kasalukuyang Secretary ng Catholic Mass Media Awards.
Hindi lamang sa media, nagsilbi rin siya sa pamahalaan bilang dating alkalde ng Kalibo noong administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Ayon kay Marjorie Yap, tagapangalaga ni Dayang, may dalawang lalaking nakamotorsiklo at nakasuot din ng bonnet na namataan malapit sa bahay ng biktima dakong alas-9 ng umaga rin ng Martes. Pinaniniwalaang matagal nang plinano ang krimen.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at sinusuri ang mga CCTV footage upang matukoy ang mga salarin na tumakas gamit ang motorsiklo. Wala pang malinaw na motibo ang pamamaril.
Sa panayam, mariing kinondena ni PAPI President Nelson S. Santos ang pamamaslang. “We strongly condemn this killing, and we are calling for justice. HINDI niya deserved ang cruel and senseless end,” pahayag niya.
Nanawagan ang PAPI sa Presidential Task Force on Media Security (PFTOMS) at mga kaakibat na ahensya na agarang imbestigahan ang kaso ni Dayang at tugisin ang mga nasa likod ng krimen.
“Kaisa kami ng buong media community sa panawagan ng hustisya para sa aming Chairman Emeritus at sa kanyang pamilya. Taus-puso rin naming ipinapaabot ang aming pakikiramay,” dagdag pa ni Santos.
Patuloy ang pagluluksa ng media community sa pagpanaw ng isang tapat na lider, mamamahayag, at lingkod-bayan. Isa na namang madilim na araw sa kasaysayan ng pamamahayag sa Pilipinas.
More Stories
SLL Motorcade sa Cavite-Batangas
LIBRENG SAKAY SA MRT-3, LRT-1 AT 2: ALAY NI PBBM PARA SA MGA MANGGAGAWA SA LABOR DAY
OCD Bicol, Todo na ang Tugon sa mga Apektado ng Bulkang Bulusan Eruption