November 3, 2024

BELMONTE NAALARMA SA PAGTAAS NG BILANG NG DOMESTIC VIOLENCE AT RAPE SA QC

Nagpahayag ng pagkabahala si Quezon City Mayor Joy Belmonte kaugnay sa pagtaas ng kaso ng domestic violence at rape sa siyudad, kaya panawagan ng alkalde sa mga QCitizens na agad ireport ang ganitong mga kaso at humingi ng tulong sa pamahalaang lungsod dahil may mga programa ang siyudad hinggil dito.

Ayon sa alkalde maaaring ireport ang mga nasabing pang-aabuso sa QC Protection Center sa Hotline 122 o sa kanilang barangay at QCPD women’s desk.

Giit ni Belmonte nakaka-alarma ang mataas na numero ng mga kaso ng pang-aabuso at hindi ito dapat palampasin at kailangan gawan ng aksiyon.

“Nakakabahala ang mataas na numerong ito ng mga kaso ng pang-aabuso. Hindi natin ito maaaring palampasin, at kailangan gawan agad ng aksyon. Ang mga tahanan ay itinuturing nating safe space at dapat nating mapanatiling ligtas ang mga ito sa anumang uri ng karahasan. Ang mahalaga ay maiparating natin sa mga biktima na may matatakbuhan at may magtatanggol sa kanila,” pahayag ni Belmonte.

Batay kasi sa ulat ni Quezon City Police Director BGen. Antonio Yarra sa pulong ng Quezon City Peace and Order Council meeting, nasa 87 cases o 66.67% increase ang naitala sa violence against women and children cases habang tumaas naman sa 21.54% ang rape cases sa unang walong buwan ng kasalukuyang taon kumpara nuong nakaraang taon.

Sinabi ni Yarra, dahil dito naglunsad sila ng kampanya para maging aware ang mga kababaihan sa kanilang karapatan at hinimok ang mga ito na ireport ang mga ganitong pang-aabuso.

Ayon sa Heneral, malaking factor sa pagtaas ng kaso ang nararanasang pandemya dahil sa pinansiyal na problema na nararanasan ng pamilya na nag resulta sa domestic violence.

Karamihan sa mga naitalang kaso ay physical abuse at psychological abuse.

Nasa 158 cases naman ng rape ang naitala ng QCPD mula January hanggang August 2021.

Nakatakda naman ilunsad ng Quezon City government kasama ang QCPD ng isang unified information management system para i facilitate ang monitoring at ang mabilis na imbestigasyon sa mga VAWC cases.

Nuong nakaraang taon, binuksan ng Quezon City government ang QC Protection Center para sa mga victim-survivors ng gender-based violence and abuse.

Ang protection center ay isang one stop shop na nagbibigay ng medical assistance, legal assistance at counselling.

Itinatag din ng siyudad ang Bahay Kanlungan, isang temporary shelter na maaaring tirhan pansamantala ng mga biktima, mayruon itong 60 beds para sa mga babae, bata at LGBTs na biktima ng domestic violence.