December 24, 2024

BELMONTE KINONDENA DISPERSAL NG MGA PULIS SA PUP STUDENTS

Mariing kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang ginawang dispersal ng mga pulis sa mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines na nag-protesta sa labas ng House of Representatives dahil sa kawalan umano ng student representation sa hearing ng kamara patungkol sa National Polytechnic University Bill o NPU Bill.

Nangangamba kasi ang mga estudyante ng PUP na ang NPU Bill ay maging banta ng komersyalisasyon at pribatisasyon ng edukasyon, mga gusali, at pampublikong serbisyo na lalo umanong magpapahirap sa mga estudyante na makatamasa ng aksesableng edukasyon.

“Walang puwang ang ganitong aksyon sa lungsod, lalo pa’t kilala ang Quezon City bilang lugar kung saan malayang nakakapagtipon at nakakapagpahayag ng saloobin at karapatan ang iba’t ibang grupo,” ayon sa alkalde.

Pinaalalahanan rin ni Belmonte si QCPD Chief General Red Maranan na hindi nila kukunsintihin ang ganitong gawi. 

Agad namang inatasan ni General Maranan ang Internal Affairs Service na imbestigahan kung may paglabag sa Police Operational Procedures.

Pinulong rin ni Maranan ang Station Commander ng Batasan Police at inatasang pagsabihan ang kanyang mga tauhan ukol sa nararapat na aksyon sa mga kilos-protesta.