September 16, 2024

Bebot na nagtapon sa fetus sa basurahan sa Valenzuela, arestado

SA selda ang bagsak ng isang babae na umano’y nanay ng natagpuang fetus sa basurahan matapos itong makuhanan ng CCTV sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na si alyas Daizy, 31, factory worker, ng P. Faustino St., Brgy. Punturin.

Sa ulat, alas-10 ng gabi nang matagpuan ng 18-anyos na scavenger na si alyas Alex ang lalaking fetus sa harap ng isang convenient store sa nasabing lugar na nakasilid sa isang kulay berdeng plastic bag at nakabalot ng tela habang nangangalakal siya ng basura.

Ipinaalam niya ang nakita sa mga tanod ng Punturin na silang nag-ulat sa Police Sub-Station-7 kaya agad bumuo si Col. Cayaban ng tracker team para tugisin ang salarin.

Sa isinagawang backtracking ng pulisya sa mga cctv sa lugar, nakita ang suspek na naglalakad bitbit ang kulay berdeng plastic bag na pinagsilidan sa fetus at positibo din siyang kinilala ng mga tanod na siyang naghagis ng naturang plastic bag sa may basurahan.

Napag-alaman ng pulisya na may hearing si ‘Daizy’ sa Valenzuela City Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 108 na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya paglabas sa gusali ng MTC, alas 10:35 ng umaga ng Biyernes.

Natuklasan din ng pulisya na ang suspek ay nahuli sa Valenzuela noong Mayo 10, 2024 dahil sa kasong estafa at ayon sa kanila, buntis ito ng mga panahong iyon. Sasailalim sa Gynecology examination si ‘Daizy’ na mahaharap sa kasong paglabag sa Art 258 ng Revised Penal Code (Abortion practiced by woman herself).