January 11, 2025

Bebot isinelda sa P680K shabu sa Caloocan

TINATAYANG halos P.7 milyon halaga ng shabu ang nasabat sa isang bebot na hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos malambat sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Pinuri ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr ang Caloocan police sa pamumuno ni P/Col. Ruben Lacuesta sa matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na kinilala bilang si Mary Grace Cabuhay alyas “Grace”, 46 ng CD-NAI Dalangahita St. San Vicente Ferrer, Brgy. 178.

 Ayon kay Col. Lacuesta, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police hinggil sa umano’y illegal drug activities ng suspek kaya’t isinailalim siya sa surveillance/validation ng mga operatiba.

Nang positibo ang ulat, isinagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Major Dennis Odtuhan, kasama ang 3rd MFC RMFB-NCRPO ang buy bust operation in relation to SAFE NCRPO dakong alas-3:00 ng madaling araw sa kahabaan ng Kaagapay Road, Brgy. 176 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek matapos bintahan ng P50,000 halaga ng shabu ang isang undercover police na nagawang makipagtransaksyon sa kanya.

Nakumpiska sa suspek ang apat medium heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P680,000.00, pouch at buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 49 pirasong P1,000 boodle money.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.