January 24, 2025

Bebot arestado sa P680K shabu sa Caloocan

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang babae na sangkot umano sa illegal na droga matapos makuhanan ng halos P.7 milyon halaga ng shabu sa isinagawang drug operation ng pulisya sa Calooocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si Queenie Ally Zhalehn Ovejas alyas “Dada”, 21, vendor ng Cloverleaf Market, Barangay Balingasa, Balintawak, Quezon City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Lacuesta na habang nagsasagawa ng pagmamanman kontra illegal activities ang mga operatiba ng Intelligence Section sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Major John David Chua nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa isang grupo na nagsasagawa ng transaksyon ng illegal na droga sa Phase 12, Riverside, Barangay 188, Tala.

 Kaagad nagtungo sa naturang lugar ang mga operatiba kung saan nakumpirma nila ang presensya ng nasabing grupo at naaktuhan ang suspek na may tinanggap na isang medium transparent plastic sachet ng umano’y shabu mula sa isang hindi kilalang lalaki.

Nang lumapit sila at nagpakilalang mga pulis ay mabilis nagpulasan ang grupo sa magkakahiwalay na direksyon kaya hinabol sila ng mga parak hanggang sa makorner ang suspek dakong alas-7:00 ng gabi habang nagawang makatakas ng iba pa.

Nakumpiska sa suspek ang isang knot-tied transparent plastic na naglalaman ng humigi’t kumulang 100 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P680,000.00; at coin purse.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002