December 24, 2024

BBM SA DISQUALIFICATION BID: ‘HINDI AKO AATRAS’

Hindi natitinag si presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa inihaing diskwalipikasyon laban sa kanya at tuloy pa rin ang kanyang hangarin na tumakbo bilang pangulo sa 2022.

“Hindi ako natatakot, hindi ako aatras. Hindi ako mag-withdraw. Patuloy ang lahat ng aking gagawin. Hindi ako mag-slide down (to a lower position),” wika ni Marcos sa panayam ng RMN Palawan.

Ito ang sagot ni Marcos matapos maghain ang ilang grupo ng petisyon sa Commission on Elections para siya ay madiskwalipika sa halalan kaugnay ng kanyang conviction sa kasong tax evasion noong 1995.

Hinala ni Marcos, ang diskwalipikasyong inihain laban sa kanya ay parte ng politika at gawa ng kanyang mga kalaban na takot sa kanya sa darating na halalan.

“Siguro kasama na rin ‘yan sa pagpolitika lalo na ‘yong aming mga kalaban, imbes na humarap sa eleksyon. Kasi siguro natatakot sila sa numero, idi-disqualify na lang ako,” wika pa ng dating senador.

“Patuloy lang ang aking kandidatura at sa aking mga supporters sa buong Pilipinas, nagpapasalamat naman ako na hindi nawawala ang inyong tiwala sa akin,” dugtong pa nito.