December 26, 2024

BAY AREA DRAGONS DI PINAPORMA ANG TERRAFIRMA SA PBA

NAGMISTULANG halimaw si Andrew Nicholson upang akayin ang kanyang koponang Bay Area sa isang 130-76 masaker kontra Terrafirma kagabi sa PBA Commissioner’s Cup sa Philsports Arena, Pasig City.

Nagpasabog ng 31 puntos sa first half pa lang  ang dating NBA cager para sa ika- anim na panalo ng Dragons  at ipatikim sa Dyip ang ika-22 sunod na pagkatalo mula pa noong nakaraang season.

Walang  nagawa ang Terrafirma sa nagbabagang shooting ni Nicholson kung saan ay nakuha pa niyang ma-outscore ang buong tropang Dyip sa isang yugto lang na produksyon.

Agad ikinamada ni Nicholson ang kanyang sariling 19-9 run tampok ang tatlong tres nito  upang umalagwa nang husto ang Dragons.

Nakuha nang maamoy  ng Bay Area  ang panalo  matapos maitala ang  tambak na 102-62 may isang buong quarter pa ang nalalabi sa laban.

Bagama’t inupo na si Nicholson sa final quarter,patuloy pa rin ang buga ng apoy ng Dragons upang itala ang ikalawang  koponang may pinakamalaking winning margin sa kasaysayan ng PBA.

Tumikada ng  17 puntos si Zhang Qilong,15 kay Song Jianhua at 12 kay Zhu Songlei para sa bisitang Dragons. Bumira naman si Juami Tiongson ng 21 puntos habang 19 lang ang naiambag ni Terrafirma import Lester Proupe upang dumausdos ang koponan sa 0-6 kartada.