May 27, 2025

‘BAWAT BATA MAKABABASA’ PROGRAM, ISANG TAGUMPAY

PASIG CITY, Mayo 27, 2025 — Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) ang positibong resulta ng pilot implementation ng Bawat Bata Makababasa Program (BBMP) sa Zamboanga Peninsula, isang programang nakatutok sa pagbasa para sa mga batang hirap bumasa sa maagang baitang.

Ang BBMP ay direktang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa. “Dapat nating harapin ang hamong ito at bigyang-priyoridad ang mga konkretong hakbang para sa academic recovery,” giit ng Pangulo sa paglagda ng ARAL Program Act noong nakaraang taon.

Inilunsad noong Mayo 8, nakatuon ang 20-araw na BBMP sa mga non-reader mula Grade 1 hanggang Grade 3. Layunin nitong malinang ang kakayahan ng mga bata sa tunog, pag-unawa sa teksto, at magkaroon ng kumpiyansa sa pagbabasa, gamit ang maiikling daily reading sessions.

“Sa BBMP, kitang-kita na ang epekto ng tuloy-tuloy at suportadong interventions sa mga batang pinakanangangailangan ng tulong,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.

Isa sa mga pilot schools ang Campo Uno Indigenous People Elementary School, na nasa isang last-mile school at pinaglilingkuran ang mga batang miyembro ng Western Subanon Tribe. Ayon sa mga guro, maraming bata rito ang nakakaranas ng makabuluhang pag-unlad sa pagbasa.

“Ngayon, palagi na akong naka-smile… Kasi marunong na ako magbasa,” ani Brittany, isang Grade 3 student.

Para sa tribal leader na si Edgard Pandalan, ang epekto ng programa ay higit pa sa pagbasa: “Mas nauunawaan ng mga bata ang kultura natin. Nagkakaroon sila ng pantay na oportunidad sa buhay.”

Si Shammira, 8-taong-gulang, ay dating nahihiyang magsalita sa klase dahil sa kahinaang bumasa. Ngunit ngayon, kaya na niyang bumasa ng mga simpleng pangungusap sa Ingles.

“Dahil po sa program, kaya ko na pong magbasa,” masayang ani Shammira.

Kinumpirma rin ng kanyang guro na si Dulce Canones ang malaking pagbabago: “Masaya si Sham kasi nababasa na niya yung mga signage ‘pag papasok sa school.”

Para kay Inday, isang 52-anyos na school utility worker at tagapag-alaga ng kanyang mga apo, ang programa ay pagkakataong maibigay ang edukasyong hindi niya naranasan.

“Kahit wala akong natapos, gusto kong makatapos sila. At ngayong natututo na silang bumasa, mas umaasa akong mas gaganda ang kinabukasan nila,” aniya sa wikang Bisaya.

Halos 7,000 volunteers ang pinakilos ng DepEd sa Region IX upang magturo gamit ang phonics-based workbooks at lesson guides. Hindi kailangan ng teacher license — sapat ang puso at oras upang matulungan ang mga bata.

“Ang BBMP ay gumagana dahil sama-sama ang komunidad. Mas motivated ang mga bata kapag alam nilang sinusuportahan sila ng buong paligid,” ani Angara.

Binigyang-diin ng DepEd na bahagi lamang ang BBMP ng mas malawak na learning recovery strategy na kinabibilangan ng Literacy Remediation Program, Summer Academic Remedial Program, at 2025 Learning Camp.

“Ang tagumpay ng BBMP ay patunay na kapag sama-sama tayong nagtuturo at nagmamalasakit, tunay na natututo ang bawat batang Pilipino,” pahayag ni Angara.

Patuloy ngayong kinokonsolida ng DepEd ang mga datos at feedback upang mapalawak pa ang programa sa buong bansa.