November 3, 2024

BATO KAY QUIBOLOY: SUMUKO KA NA

HINIMOK ni Senator Ronald dela Rosa si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy na sumuko na sa mga awtoridad upang bumalik na sa normal ang pamumuhay ng kaniyang mga miyembro.

“Isa rin ako sana nananawagan na kung pwede lang para naman matahimik na yung lugar na yan at mga tao ay balik na sa normal na pamumuhay,” ayon kay  Dela Rosa.

“Kung pwede lang ini-encourage natin na mag-surrender siya pero at the end of the day, it’s his call,” dagdag niya.

Muling ipinaalala ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy ang ilang kondisyon para sa kaniyang pagsuko.

Ayon kay Atty. Israelito Torreon, ang abogado ni Quiboloy, na dapat ay magkaroon ng written declaration si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nakasaad dito na hindi niya ipapasakamay si Quiboloy sa US kung saan nahaharap din ito ng mga kaso.

Para kay Dela Rosa, hindi “demand” ang hinihinging kondisyon ni Quiboloy.

“Parang kondisyones nya siguro, para sa kung magkaroon ng negosasyon for his surrender. Parang ganon lang. My assumption only,” ayon sa senador.

“No wanted person can demand from authorities. Unless meron siyang hawak na hostage,” dagdag niya.

Sinabi rin ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez noong Sabado na “walang sinuman sa gobyerno ang makakapagbigay ng garantiyang iyon.

“In the first place, no government official would want to violate the law… lahat ng treaties natin nagfo-force [into] law once it is signed and conferred in by the Senate,” ayon kay Vasquez.