November 3, 2024

BATO KASADO NA SA PRESIDENTIAL RACE


Humabol sa huling araw ng filing ng certificate of candidacy (COC) ngayong Biyernes si Senator Bato Dela Rosa para tumakbong presidente sa Eleksyon 2022.

Bilang standard bearer ng PDP-Laban, magiging running mate o kandidatong bise presidente ni Dela Rosa si Senator Bong Go.

“Ang partido ang nag-decide na tumakbo ako… matagal na [napagdesisyunan] pero tinatago lang namin. ‘Yan ang mga diskarte kasi kapag maaga ka nagbalita, titirahin ka kaagad,” ayon kay Dela Rosa.

Sa kabila nito, kapansin-pansing nakasuot ng Hugpong ng Pagbabago t-shirt si Dela Rosa, na kilalang namuno sa madugong “war on drugs” ni Digong bilang dating hepe ng Philippine National Police.

Ang Hugpong ng Pagbabago ay regional party na pinamumunuan ni Davao City Sara Duterte-Carpio, anak ng presidente, na siyang numero uno ngayon sa Pulse Asia surveys sa pagkapangulo sa 2022.

Bagama’t naghain ng kandidatura si Sara para sa reelection bid sa Davao, pwedeng-pwede pa ring magkaroon ng “substitution” ng mga kandidato ang mga partido pulitikal hanggang ika-15 ng Nobyembre. Dahil dito, suspetya ng ilan ay biglang magiging last minute substitution ang presidential daughter.

“Eh ‘di mas maganda [kung mapalitan ako ni Inday Sara]. Pero this is a party decision, this is not my personal decision. Kung ako lang ang masusunod, kung patatakbuhin nila ako, tatakbo pa rin ako,” sagot niya sa mga reporters pagdating sa mga espekulasyon ng substitution.

“Hindi [member ng PDP-Laban si Mayor Sara]. I don’t know how we will do it kung ganoon ang mangyari [substitution]. I don’t know. Basta ako, tatakbo talaga ako para maging presidente.”

Nagsisigaw naman at uminit ang ulo ni Dela Rosa nang matanong kung “mockery” ng eleksyon ang kanilang ginagawa kung mauuwi sa substitution na naman ang presidential bet ng PDP-Laban, habang iginigiit ni Bato na ipinanalo siya noon ng milyun-milyong botante.

“Do I look like a mockery to you? I won as a senator. Number five po ako last na eleksyon… Is that mockery? Is it a mockery to the 19 million Filipinos who voted for me as a senator of this republic?” galit niyang sagot sa isang reporter.