December 25, 2024

Bato hindi makikipagtulungan sa ICC: Gusto mong ihawin ako sa sariling apoy?

Nanindigan si Senator Bato Dela Rosa na wala siyang intensiyon na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Gusto mo akong ihawin sa sariling apoy? Di na siguro. Hindi nila alam kung ano ang nangyari dito sa atin di nila alam kung ano ang problema dito, bakit sila makikialam?” saad ng senador.

Isa ang pangalan ni Dela Rosa, dating national police chief, na kasama sa inihaing reklamo ng ICC.

“Haharap ako sa Filipino court not a foreign court, kahit sinong Filipino dyan, I will gladly face them pero harap ako sa korte na compose of foreigners? Di ako papayag,” wika niya.

“Haharap ako sa sarili nating korte unless di na nagpafunction ang sarili nating korte pwede silang makialam,” dagdag pa nito.

“I will leave it to the Philippine government kung gusto nila kami isalang doon. Wala kaming magagawa basta susunod ako sa ating gobyerno. Basta may batas tayo pero kung sasabihin ng ating gobyerno na humarap ako doon, haharap ako,” pagpapatuloy pa ng senador.