November 22, 2024

BATO, GO ‘DI DAPAT MANGUNGUNA SA SENATE PROBE SA DRUG WAR – CHIZ

Kung si Senate President Francis “Chiz” Escudero ang tatanungin, mas maganda umano kung hindi pangungunahan nina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at Senador Bong Go ang komite na mag-iimbestiga sa kontrobersiyal na war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Dela Rosa ang PNP chief noon nang ipatupad ang war on drugs.

“Nakausap ko na si Senator Bato kaugnay nyan at sinabi ko sa kanya na anumang imbestigasyon na nais ‘nya patungkol sa kanya mismo at kay Senator [Bong] Go, mas maganda siguro kung hindi sila ang manguna sa komiteng iyon para walang alegasyon na ito ay personal at hindi impartial, hindi fair,” saad ni Escudero nang tanungin kaugnay sa plano ni Dela Rosa na magsagawa ng motu propio probe sa ilalim ng kanyang committee on public order.

Ayon sa Senate president, makikipagkita siya kay Dela Rosa ngayong weekend upang pormal na pag-usapan ang naturang usapin. Sinabi rin nito na ayos naman daw kay Dela Rosa ang kanyang mungkahi.

Okay naman sa kaniya. Nagkapalitan kami ng text kagabi. Pero isasapormal ko ito sa mga susunod pang araw,” saad ni Escudero.

Matatandaang kamakailan lamang ay ipinahayag ni Go na handa siyang magpasa ng resolusyon sa Senado upang magsagawa ng parallel investigation sa war on drugs “para malaman po natin ang katotohanan.”