November 19, 2024

BATANG PINOY CHESS CHAMPS READY SA MAS MALAKING INT’L TILTS

Si NCFP Chief Executive Officer GM Jayson Gonzales ( kaliwa), Ruelle Canino under 14 Girls Silver medal, Elle G. Castronuevo under 8 girls gold blitz, rapid at standard, April Claros, Gold Medal under 16 girls at Vincent Travis Chua( kanan) President ng Nova Wellness Stores na naging bisita sa TOPS Usapang Sports.

ISASABAK sa mga susunod na kompetisyon ang tatlong batang pangunahing kampeon sa nagdaang Eastern Asia Youth Chess Championships sa Bangkok, Thailand noong Nob. 4-12. 

Sina Elle Castrononuevo ang under 8 Champion (gold) na most bemedalled player sa naturang torneo, April Claros, ang gold medal sa under 16 girls, silver medalist Ruelle Canino sa under 14 girls at gold medal si Gian Christian Karlo Arca sa under 14 ang nakatakdang maging pambato ng bansa sa iba pang susunod na kompetisyon partikular sa Philippine National Women Chess Championship Grand finals sa Nob. 29 hanggang Disyembre 7.     

“Next year sana tuluy-tuloy na, dahil ng nagdaang pandemic ay nahinto tayo sa paghahanap ng susunod na woman grandmaster. Dahil iyong kay GM Janelle Frayna na unang naging WGM pa noong 2017, kahit matagal na iyon, limang taon na ang nakalipas, kaya it’s about time magkaroon na tayo ng batang-batang next Philippine woman grandmaster,” pangunahing sinabi ni GM Jayson Gonzales sa TOPS Usapang Sports kahapon sa Behrouz Restaurant, Timog Ave., Quezon City.

Matatandaang walang-dungis na 7.0 puntos mula sa 7 rounds, perpektong marka (9.0 puntos) uli ang ginamit ni Castronuevo para makuha ang gold sa blitz at gold din sa rapid chess. Tersera puwesto naman si Claros sa rapid.

Ganito ang impresibong ipinakita ni Canino sa pagdodomina ng pinagsamang G12 at G14  (9.0 puntos).  Pinangunahan niya ang 1-2-3-4 na resulta para sa Pilipinas sa nabanggit na bracket sa Eastern Asia Youth Tilt. 

Ang tatlong batang babaeng kampeon sa Thailand at iba pang young masters ang pagpipilian sakaling mamayani ang isa man sa mga ito sa national finals sa katapusan ng buwan.  

“Hindi na tayo lalayo pa, heto na ang mga batang chess player, sila ang magiging foundation natin bukod sa boxing para makilala sa buong mundo. Hopefully, masustain ng mga batang ito ang husay sa ating itinatag na programa at maipakilala ang lakas ng kababaihan sa ahedres,” saad pa ni Gonzales.

Bukod sa tulong ng ipagkakaloob ng Philippine Sports Commission at ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ay pag-iibayuhin din ni G. Vincent Travis Chua, ang NOVA Wellness store President ang pagsuporta sa chess athletes hanggang sa mga international competition.  “When you see young set today, they hand unending result to the world stage, we are looking to support the whole chess, they showed their international talent that’s why we continue our support to them,” ani Chua.

Sa paraan naman ng paghahanda ng mga batang atleta sa kompetisyon, ang pagtulog ng maaga, maayos na pagkain at magandang pagpapakondisyon ang kanilang mga sikreto upang patuloy na magkamit ng tagumpay. 

Pawang mga Mongolian, Korean, Indonesian at Thailanders ang pinakamabigat ngayong pinaghahandaan ng mga young talent sa international chess competition.

Ibinahagi rin ni GM Gonzales na bahagi ng paghubog sa husay ng mga bata ay ang balanseng panahon nila sa chess, pag-aaral at paglalaro. “Sa aming programa, maraming isinasakripisyo ang isang bata sa kompetisyon, pero marami kaming itinuturo sa kanila para mas mahasa pa at maging balanse sila sa lahat ng bagay.”

“Very interesting sports, for me, it’s a group that’s still alive, so we are doing our best to help them,” ani Chua na magbubukas ang bagong store sa Trinoma na may mga produkto ng organic products.

Inihahanda na rin aniya ang mga batang kampeon sa nalalapit na grand finals, “Sinuman ang makapasok sa finals nitong kompetisyon sa Nob. 29 ang pakay naming isabak sa AIMAG 2023, SEA Games sa Cambodia, Asian Games sa China at iba pang malalaking kompetisyon at itaas na rin ang kanilang FIDE rankings para maging woman grandmaster,” dagdag pa niya sa forum na isinakatuparan ng Philippine Sports Commission, PAGCOR na live din na napapanood sa PIKO apps Channel 45.

“May 12 players ang itatampok sa grand finals na may 11 round na suportado ng NOVA. Ang pito na may pinakamagandang performance ang isasabak sa international competition,” ani Gonzales.