October 30, 2024

BASURA NA BA ANG KINAKAIN NG MGA ISDA?

Isang larawan ng isda na napuno ng basura ang laman ng tiyan ang nag-viral sa social media matapos itong i-share sa Facebook ng isang babae sa Palawan.

Ayon kay Mary Vanessa Guzman-Tan, gawain na ng kanyang ama sa umaga na bumili ng sariwang isda sa Jacana. Bumili ang kanyang ama sa kanyang suki ng dalawang kilong Dorado.

Ipinahiwa niya ito sa tindero at laking gulat nila nang bumulaga sa kanila ang basura sa loob ng nasabing isda.

Yes, basura. Basura na nilunok o nalunok ng isda,” saad niya sa kanyang post, na umabot sa isang libo ang nag-share.

Sumambulat sa kanila ang candy wrappers, soda bottle caps, isang yellow plastic spoon, at pain relief patch. Tunay nga naman itong nakakaalarma.

Mantakin ninyo ‘yung ulam nating isda ay malalaman mong basura na ang kinakain. E sino ba ang dapat sisihin dito? Walang iba kundi tayong mga tao rin.

Wala tayong disiplina sa pagtatapon ng basura. Kaya hindi nakakagulat kung napakaraming yamang dagat, ang namamatay dahil sa mga basurang itinatapon ng tao.

Kaya tama lamang ang panawagan ng advocacy group na EcoWaste Coalition. Na mahigpit na ipatupad ang solid waste management laws at national ban sa single-use plastics.

Sa ating pananaw, matagal nang nagpapasaklolo ang Inang Kalikasan at matitigil lamang ang pagsalaula sa kanya kung mananaig ang disiplina at malasakit ng sambayanan.

Hindi naman aniya kailangang hintayin ang pagdiriwang ng Buwan ng Kapaligiran para magkaisa ang mga komunidad at iligtas ang planeta sa tuluyang pagkasira.

Babala lang sa ating mga kababayan, “ang patuloy na pag-abuso sa kapaligiran ay maaaring lagim at trahedya ang idulot, hihintayin pa ba natin ang isa pang malaking kalamidad bago tayo magising?