December 22, 2024

BASTOS NA DAYUHAN, BAN NA SA ‘PINAS


HINDI na makatutungtong pa sa Pilipinas ang isang Spaniard matapos itong i-blacklist ng Bureau of Immigration (BI) nang lumipad palabas ng bansa ilang araw matapos itong makipagsagutan sa Makati police na nag-viral sa social media.

Inatasan ni Immigration Commissioner Jaime Morente na ilagay sa blacklist ang dayuhang si Javier Salvador Parra, 49, makaraang makumpirma na hindi na siya bumalik mula nang umalis sa bansa tatlong araw pagkatapos ng insidente na nangyari noong Abril 26.

Matatandaan na nag-viral ang video sa social media na sinita ng otoridad ang kasambahay ni Parra na hindi nakasuot ng facemask habang nagdidilig ng kanilang halaman sa labas ng kanilang bahay sa Dasmariñas Village.

Pumasok ng bahay ang kasambahay at ilang minuto lang ay lumabas ang dayuhan na walang suot na facemask at kinompronta ang pulis kung saan nagbitiw pa ito ng masasamang salita.
“Now that he has been placed in our Immigration blacklist he is now perpetually banned from reentering the Philippines for being an undesirable alien,” saad ni Morente said.

“Foreigners who disrespect our laws and persons of authority do not deserve the privilege to stay in our country,” dagdag pa nito.

Ayon kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., umalis si Parra noong Abril 29 sakay ng Qatar Airways flight papuntang Doha kung saan didiretso na ito sa Madrid.

Saad pa niya, na pinahintulutan makaalis si Parra dahil wala pa ring pormal na kaso sa korte o sa BI laban sa dayuhan.

Nauna nang binigyan si Parra ng hanggang Mayo 21 upang makapagsumite ng kanyang counter affidavit at pagsagot sa mga paratang laban sa kanya subalit hindi niya ito pinansin kaya inirekomenda ng BI ang kanyang deportasyon.

“Even when he out of the country he could still file his answer to the allegations by engaging the services of a lawyer who could submit a counter-affidavit on his behalf. It was obvious that he really intended to disregard the notice by just ignoring it,” ani ni Manahan.