November 5, 2024

Basketball Jam Ni Pinoy Cager Joeward Jamil, Okey Sa UK

POTENSIYAL na basketballl star sa Pilipinas ang nagpapakitang -gilas ngayon sa ibang lupain sa kanyang propesyon at pagiging manlalaro.

Si Joeward Gayas Jamil na tubong Cainta, Rizal  ay  itinuring na niyang ‘basketball is life’ ang larangan dahil sa araw-araw na niya itong routine at kapiling tulad ng pamilya at iba t-ibang hamon na ang nakatunggali niya sa  sport na naging kanyang livelihood na sa katagalan.

Basketball ang nakatulong sa kanyang pag-aaral dahil naging varsity player siya ng Rizal Technological University ( RTU) at nahasa ang kanyang talento at skills kay legendary player/ coach Loreto ‘Ato Tolentino.

Angat ang kanyang galing  sa mga commercial cage leagues at ligang- labas sa  bansa habang hinihintay niya ang kanyang golden break na makalaro na sa professional league partikular sa Philippine Basketball Association(PBA).

Nasa kanya ang lahat ng sangkap  para marating ang pangarap na big time basketball.

Isa si Jamil sa mga pioneer player ng multi-titled team  Wang’s Ballclub. na naging lunduyan ng mga upcoming cagers, collegiate- amateur- commercial players, pros at mga retiradong manlalaro pero puwede pa sa active basketball.

Hasang-hasa at handa na si Jamil sa bigtime basketball nang dumating ang oportunidad niya na magtrabaho sa London na magdudulot ng malaking pagbabago at  seguridad sa kanyang buong buhay.

Nag-impake si Joeward para sa greener pasture sa UK upang iwan ang kanyang first love na basketball para sa kanyang true love na pamilya.
Marubdob ang kanyang  naging trabaho doon sa London upang makaipon.

Pero kailangan niyang maging aktibo physically with sound mind kaya nagpapakundisyon siya sa pamamagitan ng paglalaro ng basketball sa komunidad doon.

Ang basketball sa London ay hindi kasing- sikat dito sa Pilipinas dahil ang numero unong sport nila ay football.

Pero marami din ang mga ligang commercial basketball na estilo ay tunay na European caging habang nakapadron sa American style ang laro ni Jamil kaya siya napansin at inalok na maglaro sa mga liga doon.

Kahit na mas matatangkad ang kanyang mga kalaro ay pakitang -gilas si Joeward kaya  bumilib sa Pinoy ang mga puti.

Bukod sa kanyang ganansiya  sa paglalaro  ay humahakot pa siya  ng individual awards  at instrumental sa mga tagumpay ng kanyang koponang Thunder Basketball sa The Gym London sa West Hamsteed at sa London Amateur Basketball League kung saan ay angat ang kanyang  talentong -Pinoy.

Sa kanyang kinikita sa trabaho at paglalaro ay justified ang pangingibang- bayan ni Jamil  para sa kinabukasa ng kanyang pamilya at nakapagbibigay din ng karangalan sa bayan sa kanyang abang paraan.

“This is the fruit of my lifetime decision.Thanks God for where I am now “, pahayag ni Jamil via pm panayam kasabay ng pagpapaabot ng kanyang pasasalamat sa mga kaibigan niyang basketbolista sa Pilipinas at kina coach Tolentino at sports patron Alex Wang.

Noong nakaraang bakasyon ni Jamil sa Pilipinas ay lumahok siya sa Wang’s Chairman’s Cup kung saan ay tinanghal siyang MVP kaya muling dumating ang  mga juicy offers na bagama’t nakakataba ng puso nito ay kailangan niyang bumalik sa London.

“Love it here pero okey na ako sa UK”, aniya.